Roma
KAPITULO 2
B. Sa Partikular-sa mga Nagmamatuwid-sa-sarili
2:1-16
1 Dahil dito ay wala kang maidadahilan, O tao, sino ka mang 1humahatol; sapagka’t sa iyong paghatol sa iba, ang iyong sarili ang kinokondena mo; sapagka’t ikaw na humahatol ay gumagawa ng gayunding bagay.
2 Datapuwa’t nalalaman nating ang 1hatol ng Diyos ay ayon sa 2katotohanan laban sa kanila na mga nagsisigawa ng mga gayong bagay.
3 At naiisip mo ba ito, O tao, na 1humahatol sa mga nagsisigawa ng mga gayong bagay at gumagawa ng gayundin sa iyong sarili, na ikaw ay makatatakas sa hatol ng Diyos?
4 O hinahamak mo ba ang kayamanan ng Kanyang kabutihan at pagpapahinuhod at pagtitiis na hindi mo nalalamang ang kabutihan ng Diyos ang siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi?
5 Datapuwa’t ayon sa iyong katigasan at sa iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng matuwid na hatol ng Diyos,
6 Na Siyang magbibigay sa bawa’t tao ayon sa kanyang mga gawa:
7 Ang 1sa mga nagsisipagtiyaga sa mabuting gawa sa paghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng di-pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan;
8 Datapuwa’t ang sa mga palaaway at mga hindi nagsisitalima sa 1katotohanan, kundi nagsisisunod sa kalikuan, ay ang kapootan at kagalitan,
9 Kapighatian at kahapisan ang sa bawa’t kaluluwa ng taong gumagawa ng masama, kapwa sa Hudyo muna, at sa Griyego.
10 Datapuwa’t kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang sa bawa’t taong gumagawa ng mabuti, kapwa sa Hudyo muna, at sa Griyego.
11 Sapagka’t ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao.
12 Sapagka’t ang lahat ng nangagkasala nang walang kautusan ay mangapapahamak din naman nang walang kautusan; at ang lahat ng nangagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan din hahatulan,
13 (Sapagka’t hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang mga matuwid sa harapan ng Diyos, kundi ang mga tagaganap ng kautusan ang mga aariing-matuwid,
14 Sapagka’t kung ang mga Hentil na walang kautusan ay 1likas na nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, sa di nila pagkakaroon ng kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili:
15 Na ipinakikita ang gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang mga puso, na sinasaksihan pati ng kanilang 1budhi, at ng kanilang mga pangangatuwirang nagpaparatang o nangagdadahilanan sa isa’t isa.
16 Sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking ebanghelyo sa pamamagitan ni Hesu-Kristo.
C. Sa Natatangi-sa mga Relihiyoso
2:17-3:8
17 1Nguni’ t kung ikaw ay may taglay na pangalang Hudyo, at nasasalig sa kautusan, at 2nagmamapuri sa Diyos,
18 At nakaaalam ng Kanyang kalooban, at sumasang-ayon nang may 1pagkabatid sa mga bagay na higit na magagaling, palibhasa ay tinuturuan ka mula sa kautusan;
19 At may pagtitiwalang ikaw mismo ay tagaakay ng mga bulag, isang ilaw ng mga nasa kadiliman,
20 Isang tagadisiplina ng mangmang, isang guro ng mga 1bata, na sa kautusan ay mayroon kang anyo ng pagkakilala at ng katotohanan:
21 1Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tinuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba?
22 Ikaw na nagsasabing huwag mangalunya, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyus-diyusan, ninanakawan mo ba ang mga templo ng mga diyus-diyusan?
23 Ikaw na nagmamapuri sa kautusan, sa iyong paglabag sa kautusan ay winawalan mo ba ng puri ang Diyos?
24 Sapagka’t ang pangalan ng Diyos ay nalalapastangan sa gitna ng mga Hentil dahil sa iyo, gaya ng nasusulat.
25 Sapagka’t ang pagtutuli ay tunay na pinakikinabangan kung tinutupad mo ang kautusan; datapuwa’t kung ikaw ay tagasuway ng kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di-pagtutuli.
26 Kung ang sa di-pagtutuli nga ay tumutupad sa mga matuwid na kahilingan ng kautusan, hindi ba aariing pagtutuli ang kanyang di-pagtutuli?
27 At ang sa di-pagtutuli sa katutubo, na tumutupad sa kautusan, ang hahatol sa iyo, na sa pamamagitan ng titik at pagtutuli ay tagasuway ng kautusan.
28 Sapagka’t siya ay hindi isang Hudyo 1sa labas lamang; ni pagtutuli na hayag lamang sa laman;
29 Datapuwa’t siya ay Hudyo, yaong isa 1sa loob; at ang pagtutuli ay yaong sa puso, 2sa espiritu, hindi 2sa titik; ang kanyang kapurihan ay hindi 3sa mga tao, kundi 3sa Diyos.