KAPITULO 14
1 1
Ang kapitulong ito ay maaaring ituring bilang ang suplemento ng saligang-batas ng buhay-ekklesia. Ang may-akda ng aklat na ito, sa pagbibigay ng mga kondisyon, ay may isang mapagpasensiyang puso, malawak na saloobin at ekselenteng pananaw. Upang maisagawa ang buhay-ekklesia na kanyang itinatag sa kapitulo labindalawa, ang suplemento na kanyang ibinigay ay kinakailangang sundin nang mahigpit. Nawawaglit o nakagagawa ng mga pagkakamali sa puntong ito ang maraming banal na nagmamahal sa Panginoon at naghahabol sa buhay-ekklesia, sa gayon ay nabibigo sila.
1 2Upang maisagawa ang buhay-ekklesia sa kapitulo labindalawa, kailangan nating matutunan ang praktikal na leksiyon ng pagtanggap sa mga mananampalataya; gaya ng partikular na ipinahayag sa 14:1-15:13, sa gayon ang buhay-ekklesia ay ginagawang nagpapaloob-ng-lahat upang matanggap nito ang lahat ng uri ng tunay na Kristiyano. Ito ay nangangailangan ng transpormasyong binanggit sa kapitulo 12. Kung tayo ay mananatili pa rin sa ating likas na buhay, hindi natin matatanggap yaong mga naiiba sa atin sa doktrina, sa mga gawi o sa mga pananaw.
1 3Yaon ay, pinagtatalunang doktrina. Maliban sa magagaspang na kasalanan katulad ng pagsamba sa diyus-diyusan (I Juan 5:21; I Cor. 8:4-7), pakikiapid, panlulupig, panlalait, atbp. (I Cor. 5:9-11; 6:8), mga paghahati-hati (16:17; Tito 3:10), at pagtanggi na si Kristo ay naging laman (II Juan 7-11), tayo ay dapat matutong huwag humatol sa mga tao tungkol sa mga pandoktrinang konsepto. Hangga’t ang isa ay isang tunay na Kristiyano, nagtataglay ng pinagsasaligang pananampalataya ng Bagong Tipan, kahit na ang kanyang pandoktrinang konsepto ay naiiba sa atin, siya ay hindi natin dapat paalisin, bagkus ay tanggapin siya sa loob ng parehong isang Panginoon.
3 1Hinggil sa pagtanggap sa mga mananampalataya, tinukoy ni Pablo ang pagkain (bb. 2-3) at ang pangingilin sa mga araw (bb. 5-6) bilang mga halimbawa. Ang pagtanggap sa atin ng Diyos ay hindi ayon sa kung ano ang ating kinakain, o kung anong araw ang ating ipinangingilin. Ang mga ito ay ang maliliit at mga hindi importanteng bagay, na walang kinalaman sa ating kaligtasan at pinagsasaligang pananampalataya. Kaya, huwag nating hamakin o hatulan ang mga tao sa bagay na ito.
3 2Ang batayan ng ating pagtanggap sa mga mananampalataya ay yaong sila ay tinanggap na ng Diyos. Ang mga tao ay tinatanggap ng Diyos nang ayon sa Kanyang Anak. Minsang ang isang tao ay tumanggap sa Anak ng Diyos, na ating Panginoong Hesu-Kristo bilang Tagapagligtas, siya ay kaagad na tinatanggap ng Diyos, hinahayaan siyang makapasok sa loob ng Tres-unong Diyos at sa lahat ng katamasahan sa loob ni Kristo na Kanyang inihanda at isinagawa para sa mga tao. Ang mga tao ay dapat nating tanggapin sa ganito ring paraan, at hindi dapat maging higit na mahigpit pa sa pagtanggap ng Diyos. Gaano pa man kalaki ang mga pagkakaiba ng mga tao sa atin hinggil sa pandoktrinang konsepto, o relihiyosong gawi, sila ay dapat nating tanggapin. Ang mga mananampalataya ay ating tinatanggap nang ayon sa Diyos, hindi ayon sa mga doktrina o mga gawi. Sa gayon, ang pagkakaisa ng Katawan ni Kristo ay ating mapagtitibay at mapananatili.
5 1Kapareho ng kahulugan ng “naghahatol” sa ibang bersikulo. Gayundin sa bersikulo 13.
10 1Ang hatol sa luklukan ng paghahatol ng Diyos ay naiiba sa walang hanggang hatol ng Diyos na binanggit sa 2:2, 3, 5, 16 at 3:8. Ang walang hanggang hatol ng Diyos ay magiging sa malaking puting trono na inihayag sa Apoc. 20:11-15. Ang hatol na ito ay: (1) mangyayari pagkatapos ng isang libong taon, (2) upang hatulan ang lahat ng mga namatay na di-mananampalataya, at (3) para sa walang hanggang kaparusahan sa dagat-dagatang apoy. Ang hatol na ito ay ipapataw sa lahat ng mga hinatulang makasalanan; ito ay binanggit sa seksiyon ng paghatol sa aklat na ito. Ang hatol sa luklukan ng paghahatol ng Diyos, o sa luklukan ng paghahatol ni Kristo, ay magiging (1) bago ang isang libong taon, kapagdaka pagkatapos ng pagbabalik ni Kristo, (2) upang hatulan ang lahat ng mga nabuhay na muli at mga umakyat-na-may-masidhing-kagalakang mananampalataya, (3) para sa gantimpala o disiplina sa isang libong taong kaharian. Yamang isasaalang-alang ng hatol na ito kung paano namuhay sa harap ng Panginoon ang mga mananampalataya at kung ano ang kanilang ginawa para sa Panginoon pagkatapos nilang maligtas, at yamang ang transpormasyon ng mga mananampalataya ay may malaking kinalaman sa hatol na ito, ito ay binanggit dito sa seksiyong ito ng transpormasyon.
14 1Lit. pangkaraniwan.
17 1Ang bersikulong ito ay matibay na nagpapatunay na ang ekklesia sa kapanahunan ng ekklesia ay ang kaharian ng Diyos, sapagka’t tinatalakay ng teksto rito ang buhay-ekklesia sa pangkasalukuyang kapanahunan. Ang ekklesia sa isang panig ay ukol sa biyaya at buhay; sa kabilang panig, bilang kaharian ng Diyos, ito ay ukol sa pag-eensayo at disiplina.
17 2Ang kaharian ng Diyos ay ang kinasasaklawan ng paghahari ng Diyos, sa gayon ay Kanyang maihahayag ang Kanyang kaluwalhatian upang maisakatuparan ang Kanyang layunin. Ang binibigyang-diin dito ay hindi ang pag-inom ni pagkain kundi ang katuwiran, kapayapaan, at kagalakan sa Espiritu Santo. Ang orihinal na kahulugan ng salitang “katuwiran” ay tumutukoy sa tama, wasto, at matuwid. Ang mga taong nabubuhay sa kaharian ng Diyos ay nararapat na maging wasto at matuwid patungkol sa mga tao, mga bagay at sa Diyos, walang kamalian, kakulangan, paglihis, kalikuan, at pagkiling. Kinakailangan nito na tayo ay maging estrikto sa ating mga sarili. Ang kapayapaan ay ang kinalabasan ng katuwiran (Heb. 12:11 at mga tala). Ito ang dapat maging relasyon ng mga nabubuhay sa kaharian ng Diyos sa kanilang pakikitungo sa ibang tao sa isang banda at sa kanilang pakikitungo sa Diyos sa kabilang banda. Kung tayo ay wasto, tama at matuwid patungkol sa mga tao, sa mga bagay at sa Diyos, ang ating relasyon sa tao at sa Diyos ay tiyak na magiging mapayapa. Kaya nga, tayo ay maaaring magkaroon ng kagalakan sa Espiritu Santo, lalung-lalo na sa harapan ng Diyos. Sa gayon, tayo ay napupuspusan ng kagalakan at ng Espiritu Santo (Gawa 13:52), ibinubuhay ang katuwiran, kapayapaan, at kagalakan sa Espiritu Santo. Ito ang realidad ng kaharian ng Diyos. Ayon sa ibig sabihin ng nilalaman ng kapitulong ito, ang bersikulong ito ay isinulat para sa ating pagtanggap sa mga mananampalataya. Kung ating tatanggapin ang mga mananampalataya nang ayon sa pag-aatas ng apostol sa kapitulong ito, tayo kung gayon ay wasto, tama at matuwid, at magkakaroon ng kapayapaan na mamamagitan sa atin at sa mga tinanggap. Sa gayon ay magkakaroon tayo ng kagalakan sa Espiritu Santo, nagpapatunay na namumuhay tayo sa realidad ng kaharian ng Diyos, na nasa ilalim ng disiplina ng Diyos; kung hindi, tayo ay di-tama, at di-matuwid, at walang kapayapaan na mamamagitan sa atin at sa mga tinanggihan. Sa gayon hindi tayo magkakaroon ng kagalakan sa Espiritu Santo sa harapan ng Diyos. Ito rin ay nagpapatunay na hindi tayo nagpapasakop sa awtoridad ng Diyos sa Kanyang kaharian.
19 1Para sa wastong buhay-ekklesia, kinakailangang habulin natin ang mga bagay ng kapayapaan, at panatilihin ang pagkakaisa ng Katawan; kinakailangang habulin din natin ang mga bagay ng pagtatayo sa isa’t isa, naghahain ng buhay sa mga kasamang sangkap sa Katawan upang pagtibayin ang isa’t isa.
20 1Sa loob ng lahat ng mga naligtas na tao ay may gawa ng Diyos. Kung ating sasanhiin ang mga mananampalataya na matisod sa pamamagitan ng ating mga konsepto ng doktrina, ating sinisira at winawasak ang gawa ng biyaya ng Diyos sa loob nila.