Mateo
KAPITULO 27
12. Hinatulan ni Pilato
27:1-26
1 Ngayon nang mag-umaga na, ang lahat ng mga pangulong saserdote at matatanda ng bayan ay nagsanggunian laban kay Hesus upang Siya ay kanilang maipapatay;
2 At nang Siya ay matalian, Siya ay dinala nila at ibinigay kay 1Pilato na gobernador.
3 Noon nga, si Judas, ang nagkanulo sa Kanya, nang nakita niya na Siya ay nahatulan, siya ay 1nagsisi at isinauli ang tatlumpung pirasong pilak sa mga pangulong saserdote at matatanda,
4 Na nagsasabi, Ako ay nagkasala sa pagkakanulo sa dugong walang kasalanan. Subali’t kanilang sinabi, Ano ngayon sa amin? Ikaw ang bahala riyan!
5 At inihagis niya sa loob ng templo ang mga piraso ng pilak at umalis; at siya ay yumaon at nagbigti.
6 At kinuha ng mga 1pangulong saserdote ang mga piraso ng pilak at nagsabi, Hindi marapat na ilagay ang mga iyan sa 2kabang-yaman ng templo, yamang ito ay ang halaga ng dugo.
7 At nang sila ay makapagsanggunian, ipinambili nila ang mga iyon ng bukid ng magpapalayok upang paglibingan ng mga dayuhan.
8 Dahil dito ay tinawag na Bukid ng Dugo ang bukid na yaon hanggang sa ngayon.
9 Noon nga ay natupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta 1Jeremias, na nagsasabi, At kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halaga Niyang hinalagahan, na inihalaga ng mga anak ni Israel;
10 At ibinayad nila ang mga iyon para sa bukid ng magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.
11 Ngayon si Hesus ay nakatayo sa harap ng gobernador, at tinanong Siya ng gobernador, na nagsasabi, Ikaw ba ang hari ng mga Hudyo? At sinabi ni Hesus, Ikaw ang nagsasabi nito.
12 At nang Siya ay pinaratangan ng mga pangulong saserdote at matatanda, 1wala Siyang isinagot.
13 Noon nga ay sinabi sa Kanya ni Pilato, Hindi mo ba naririnig kung gaano karaming mga bagay ang ipinapatotoo nila laban sa iyo?
14 At siya ay 1hindi Niya sinagot, maging sa isang salita man, kung kaya’t labis na namangha ang gobernador.
15 Ngayon sa kapistahan ay nakaugalian ng gobernador na magpakawala sa mga tao ng isang bilanggo na siyang nais nila.
16 At noon nga ay mayroon silang bantog na bilanggo na nagngangalang Barrabas.
17 Kaya’t nang sila ay nagkatipun-tipon, sinabi sa kanila ni Pilato, 1Sino ang ibig ninyong pawalan ko sa inyo? Si Barrabas, o si Hesus na tinatawag na Kristo?
18 Sapagka’t kanyang nalaman na dahil sa pagkainggit, kanilang ibinigay Siya sa kanya.
19 Ngayon samantalang nakaupo siya sa luklukan ng paghuhukom, ang kanyang asawa ay nagpasugo sa kanya, na nagsasabi, Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan, sapagka’t ngayong araw na ito ay naghirap ako ng maraming bagay sa 1panaginip dahil sa Kanya.
20 Subali’t sinulsulan ng mga pangulong saserdote at ng matatanda ang maraming kalipunan upang hilingin nila si Barrabas at ipapatay si Hesus.
21 At sumagot ang gobernador at sinabi sa kanila, Sino sa dalawa ang nais ninyong pawalan ko sa inyo? At sinabi nila, si Barrabas.
22 Sinasabi sa kanila ni Pilato, Ano nga ang gagawin ko kay Hesus na tinatawag na Kristo? Lahat sila ay nagsasabi, Hayaan Siyang maipako sa krus!
23 Subali’t sinabi niya, Bakit, anong kasamaan ang ginawa Niya? Subali’t sila ay lalong nagsigawan, na nagsasabi, Hayaan Siyang maipako sa krus!
24 At nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, kundi lalo lamang nagkakagulo, kumuha siya ng tubig at 1hinugasan niya ang kanyang mga kamay sa harap ng mga tao, na nagsasabi, 2Inosente ako sa dugo ng matuwid na taong ito; kayo ang bahala riyan.
25 At sumagot ang lahat ng mga tao at nagsabi, Mapasaamin at sa aming mga anak ang Kanyang dugo!
26 Noon nga ay pinawalan niya sa kanila si Barrabas; subali’t si Hesus ay kanyang 1hinagupit at ibinigay upang Siya ay 2maipako sa krus.
13. Nilibak ng mga Kawal na Hentil
27:27-32
27 Noon nga ay dinala si Hesus ng mga kawal ng gobernador sa 1pretorio at nagkatipon sa Kanya ang buong pulutong ng mga kawal.
28 At Siya ay hinubaran nila at sinuotan ng balabal na matingkad na pula.
29 At nang sila ay makapaglala ng koronang 1tinik, ipinutong nila ito sa Kanyang ulo, at inilagay sa Kanyang kanang kamay ang isang tambo; at sila ay lumuhod sa harap Niya at Siya ay nilibak, na nagsasabi, 2Magalak Ka, Hari ng mga Hudyo!
30 At kanilang niluraan Siya at kinuha ang tambo at hinampas Siya sa Kanyang ulo.
31 At nang Siya ay malibak na nila, hinubad nila sa Kanya ang balabal at isinuot sa Kanya ang Kanyang mga kasuotan at 1inilabas Siya upang ipako sa krus.
32 At paglabas nila, nakatagpo sila ng isang taong taga-1Cirene, Simon ang pangalan; ang taong ito ay kanilang pinilit na pasanin ang Kanyang krus.
14. Ipinako sa krus
27:33-56
a. Pinatay at Nilibak ng mga Tao
bb. 33-44
33 At nang sila ay sumapit sa lugar na tinatawag na 1Golgota, na tinatawag na Lugar ng isang Bungo,
34 Siya ay pinainom nila ng 1alak na may kahalong apdo; at nang matikman Niya ito, ay 2ayaw Niyang inumin.
35 At nang Siya ay maipako na nila sa krus, 1pinag-hati-hatian nila ang Kanyang mga damit, na kanilang pinagsapalaranan;
36 At sila ay nagsiupo at binantayan Siya roon.
37 At inilagay nila sa itaas ng Kanyang ulunan ang paratang sa Kanya, na nakasulat, Ito si Hesus, ang Hari ng mga Hudyo.
38 Noon nga ay may dalawang 1tulisan na ipinakong kasama Niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa.
39 At Siya ay nilapastangan ng mga nagdaraan, na iniiling ang kanilang mga ulo,
40 At nagsasabi, Ikaw na Siyang gigiba ng templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, iligtas Mo ang Iyong Sarili! 1Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba Ka sa krus!
41 Gayundin naman, nanlibak din ang mga pangulong saserdote kasama ang mga eskriba at matatanda na nagsipagsabi,
42 Nagligtas Siya ng iba; ang sarili Niya ay 1hindi Niya mailigtas! Siya ay Hari ng Israel, hayaan Siyang bumaba ngayon sa krus, at kami ay maniniwala sa kanya.
43 Siya ay nagtiwala sa Diyos, kung Siya ay nais Niya Kanyang ililigtas Siya ngayon; sinabi Niya, Ako ay Anak ng Diyos.
44 At inalipusta rin Siya nang gayon ng mga tulisan na kasama Niyang naipako sa krus.
b. Hinatulan at Pinabayaan ng Diyos
bb. 45-50
45 Ngayon mula sa 1ikaanim na oras ay nagdilim sa ibabaw ng buong lupa hanggang sa 1ikasiyam na oras.
46 At nang 1mag-iikasiyam na oras ay sumigaw si Hesus nang may malakas na tinig, na nagsasabi, Eli, Eli, lama sabachthani? yaon ay, Diyos Ko, Diyos Ko, 2bakit Mo Ako pinabayaan?
47 At nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, kanilang sinabi, Tinatawag ng Taong ito si Elias.
48 At kaagad na tumakbo ang isa sa kanila, at nang makakuha ng espongha, tinigmak niya ito ng 1suka, at inilagay sa tambo, at ipinainom sa Kanya.
49 Subali’t sinabi ng iba, Maghintay tayo, tingnan natin kung paririto si Elias upang iligtas Siya.
50 At muling sumigaw si Hesus nang may malakas na tinig at 1pinapanaw Niya ang espiritu.
c. Ang Epekto ng Kanyang Pagkapako sa krus
bb. 51-56
51 At narito, ang 1tabing ng templo ay nahapak sa dalawa 2buhat sa itaas hanggang sa ibaba, at ang 3lupa ay nayanig, at ang mga 4bato ay nabiyak,
52 At nabuksan ang mga 1libingan; at maraming 2katawan ng mga banal na nakatulog ay ibinangon;
53 At sa 1paglabas mula sa mga libingan pagkaraan ng Kanyang pagkabuhay na muli, sila ay pumasok sa banal na lunsod at 2nagpakita sa marami.
54 At ang senturyon at ang mga kasama niyang nagbabantay kay Hesus, nang makita nila ang lindol at ang mga bagay na nangyayari, ay lubhang natakot, na nagsasabi, Tunay na ito ay Anak ng Diyos!
55 At maraming babae ang naroroon na nakatanaw mula sa malayo, na nagsisunod kay Hesus mula sa Galilea, na naglilingkod sa Kanya;
56 Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, at si 1Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.
15. Inilibing ng Isang Mayaman
27:57-66
57 Ngayon nang 1gumabi na, may dumating na isang mayamang tao mula sa Arimatea, na nagngangalang Jose, na disipulo rin ni Hesus.
58 Ang taong ito ay lumapit kay Pilato at hiningi ang katawan ni Hesus. Noon nga ay ipinag-utos ni Pilato na ibigay iyon sa kanya.
59 At kinuha ni Jose ang katawan at binalot ito ng malinis na telang lino,
60 At 1inilagay ito sa kanyang bagong libingan, na ipinahukay niya sa bato; at nang maigulong ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, siya ay umalis.
61 At naroroon si Maria Magdalena, at ang isa pang Maria, na nakaupo sa tapat ng libingan.
62 At kinabukasan, na siyang araw pagkatapos ng 1paghahanda, ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo ay nagkatipun-tipon kay Pilato,
63 Na nagsasabi, Ginoo, naalala namin na sinabi ng mandarayang yaon, nang siya ay nabubuhay pa, Pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon Ako.
64 Kaya’t ipag-utos mo na ingatan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka sakaling dumating ang kanyang mga disipulo at siya ay nakawin at sabihin sa mga tao, Siya ay nagbangon mula sa mga patay; at ang huling pandaraya ay magiging masahol pa sa una.
65 Sinabi sa kanila ni Pilato, Mayroon kayong bantay; humayo kayo, inyong ingatan ayon sa inyong makakaya.
66 At sila ay nagsiparoon at pinaingatan nila ang libingan sa bantay, at 1sinarhang mabuti ang bato.