Lucas
KAPITULO 18
32. Itinuturo ang tungkol sa Walang Lubay na Pananalangin
18:1-8
1 At isinaysay Niya sa kanila ang isang talinghaga na may layuning sila ay dapat manalangin lagi at huwag panghinaan ng loob,
2 Na sinasabi, May isang hukom sa isang lunsod na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang.
3 At sa lunsod na yaon ay may isang babaeng 1balo, at siya ay naparoroong madalas sa kanya, na nagsasabi, 2Ipaghiganti mo ako sa aking 3katunggali.
4 At may ilang panahon na siya ay tumatanggi; datapuwa’t pagkatapos ay sinabi niya sa kanyang sarili, Bagama’t hindi ako natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang,
5 Gayunman, sapagka’t nagbibigay ng kaguluhan sa akin ang balong ito ay ipaghihiganti ko siya, baka ako ay bagabagin niya sa kapaparito.
6 At sinabi ng Panginoon, Pakinggan ninyo ang sinasabi ng 1likong hukom;
7 At ang Diyos, hindi ba Kanyang isasagawa ang paghihiganti para sa Kanyang mga hinirang, na dumaraing sa Kanya araw-gabi; at gayunpaman Siya ay mapagpahinuhod sa kanila?
8 Sinasabi Ko sa inyo na madali Niyang isasagawa ang kanilang paghihiganti. Gayunpaman, 1pagdating ng Anak ng Tao, may makikita kaya Siyang 2pananampalataya sa lupa?
33. Itinuturo ang tungkol sa Pagpasok sa Kaharian ng Diyos
18:9-30
a. Pagpapakumbaba sa Sarili
bb. 9-14
9 At sinabi rin 1Niya ang talinghagang ito sa mga taong nagtiwala sa kanilang sarili na sila ay matuwid at humamak naman sa iba:
10 May dalawang lalakeng nagsipanhik sa templo upang magsipanalangin, ang isa ay Fariseo, at ang isa ay maniningil ng buwis.
11 Ang Fariseo ay tumayo at nanalangin ng mga bagay na ito sa kanyang sarili: Diyos, pinasasalamatan Kita na ako ay 1hindi katulad ng ibang mga tao — mga mangingikil, mga di-makatarungan, mga mapangalunya, o gaya rin nitong maniningil ng buwis.
12 Makalawa sa isang linggo ako ay 1nag-aayuno; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat ng anumang makamit ko.
13 Datapuwa’t ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa may kalayuan, ay hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, na nagsasabi, Diyos, 1maglubag-loob Ka sana sa akin, ang makasalanan!
14 Sinasabi Ko sa inyo, ang taong ito ay umuwi sa kanyang bahay na naaring-matuwid kaysa sa isa; sapagka’t ang bawa’t isang nagpapataas sa kanyang sarili ay mapabababa, nguni’t siyang nagpapababa sa kanyang sarili ay mapatataas.
Pagiging katulad ng isang Maliit na Bata
bb.15-17
15 At kanila ring dinadala sa Kanya ang kanilang mga sanggol, upang Kanyang mahipo sila; nguni’t sinaway sila ng mga disipulo nang makita ito.
16 Nguni’t tinawag sila ni Hesus sa Kanya, na nagsasabi, Hayaan ninyo ang mumunting batang lumapit sa Akin, at huwag ninyong 1pagbawalan sila, sapagka’t sa mga ganito nauukol ang 2kaharian ng Diyos.
17 Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang 1maliit na bata ay hindi makapapasok sa loob nito sa anumang paraan.
c. Pagtatakwil ng Lahat at Pagsunod sa Taong-Tagapagligtas
bb. 18-30
18 At tinanong Siya ng 1isang pinuno, na nagsasabi, Mabuting Guro, 2ano ang gagawin ko upang mamana ko ang buhay na walang hanggan?
19 Datapuwa’t sinabi ni Hesus sa kanya, Bakit mo Ako tinatawag na mabuti? Walang sinumang mabuti maliban sa Isa — ang Diyos.
20 Talastas mo ang mga utos: huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi nang hindi totoo, igalang mo ang iyong ama at ina.
21 At sinabi niya, Ang lahat ng mga bagay na ito ay sinunod ko na mula pa sa aking pagkabata.
22 At nang marinig ito, sinabi ni Hesus sa kanya, Isang bagay pa ang kulang sa iyo: ang lahat ng mga bagay, anumang pag-aari mo, ay ipagbili mo at ipamahagi sa mga dukha, at ikaw ay magkakaroon ng kayamanan sa mga kalangitan; at pumarito ka, sumunod ka sa Akin.
23 Datapuwa’t nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya ay lubhang namanglaw, sapagka’t siya ay totoong napakayaman.
24 At nagmamasid sa kanya, sinabi ni Hesus, Sadyang napakahirap para sa mga yaong tumatangan sa kayamanan ang makapasok sa kaharian ng Diyos.
25 Sapagka’t higit na madali para sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang 1karayom kaysa sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.
26 At ang mga yaong nakarinig ay nagsabi, 1Sa gayon sino ang maaaring maligtas?
27 Datapuwa’t Siya ay nagsabi, Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.
28 At sinabi ni Pedro, Masdan Mo, iniwan na namin ang aming mga sariling bagay at sumunod sa Iyo.
29 At sinabi Niya sa kanila, Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng kanyang bahay o asawang babae o mga kapatid o mga magulang o mga anak dahil sa 1kaharian ng Diyos,
30 Na hindi tatanggap sa lahat ng paraan ng makapupung higit sa 1panahong ito, at sa darating na kapanahunan, ng buhay na walang hanggan.
34. Ipinahahayag ang Kanyang Kamatayan at Pagkabuhay na muli sa Ikatlong Pagkakataon
18:31-34
31 At pagkadala ng labindalawa sa isang tabi, sinabi Niya sa kanila, Tingnan ninyo, magsisiahon tayo sa Herusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat na sa pamamagitan ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao ay magaganap.
32 Sapagka’t Siya ay 1ibibigay sa mga Hentil, at tutuyain at dudustain, at luluraan;
33 At pagkatapos nilang hagupitin Siya, kanila Siyang papatayin; at sa ikatlong araw Siya ay babangon.
34 At wala silang naunawaan sa mga bagay na ito; at ang salitang ito ay itinago sa kanila, at hindi nila nalaman kung ano ang sinabi.
35. Pinagagaling ang isang Lalakeng Bulag malapit sa Jerico
18:35-43
35 At nangyari na habang Siya ay 1papalapit sa Jerico, may isang lalakeng bulag na nakaupo sa tabi ng daan, nagpapalimos
36 At nang narinig ang maraming taong nagdaraan, tinanong niya kung ano ang nangyari.
37 At kanilang sinabi sa kanya na si Hesus na Nazareno ay dumaraan.
38 At siya ay sumigaw, na nagsasabi, Hesus, 1Anak ni David, maawa Ka sa akin!
39 At sinaway siya ng mga yaong lumalakad sa unahan na siya ay dapat tumahimik; nguni’t lalo siyang sumigaw, Anak ni David, maawa Ka sa akin!
40 At si Hesus ay tumigil at nag-utos na siya ay dalhin sa Kanya. At nang mailapit siya ay Kanyang tinanong siya,
41 1Ano ang nais mong gawin Ko sa iyo? At kanyang sinabi, Panginoon, na sana ay matanggap ko ang aking paningin!
42 At sinabi ni Hesus sa kanya, Tanggapin mo ang iyong paningin; ang iyong pananampalataya ang 1nagpagaling sa iyo.
43 At kapagdaka ay tinanggap niya ang kanyang paningin at sumunod sa Kanya, na niluluwalhati ang Diyos. At ang lahat ng mga tao, nang makita ito, ay nagbigay ng papuri sa Diyos.