Lucas
KAPITULO 17
28. Itinuturo ang tungkol sa Pagkatisod, Pagpapatawad, at Pananampalataya
17:1-6
1 At sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, Imposible na hindi dumating ang mga kadahilanan ng pagkatisod, datapuwa’t sa aba niyaong pinanggagalingan!
2 Higit na mabuti para sa kanya kung ang isang gilingang-bato ay ibitin sa kanyang leeg, at ihagis siya sa dagat, kaysa sa matisod niya ang isa sa maliliit na ito.
3 Pag-ingatan ninyo ang inyong mga sarili! Kung ang iyong kapatid ay magkasala, sawayin mo siya; at kung siya ay magsisi, patawarin mo siya.
4 At kung siya ay magkasala sa iyo ng pitong ulit sa loob ng isang araw, at bumaling sa iyo ng pitong ulit, na nagsasabi, Ako ay nagsisisi, siya ay iyong patatawarin.
5 At ang mga apostol ay nagsabi sa Panginoon, 1Dagdagan Mo ang aming pananampalataya!
6 Subali’t sinabi ng Panginoon, Kung kayo ay may pananampalataya na tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa puno ng 1sikomorong ito, Mabunot ka at matanim sa dagat; at kayo ay susundin nito.
29. Itinuturo ang Tungkol sa Paglilingkod
17:7-10
7 Ngayon, sino sa inyo, ang may isang alipin na nag-aararo o nag-aalaga ng tupa, ang magsasabi sa kanya pagbalik niya mula sa bukid, Pumarito ka agad at maupo ka sa dulang ng pagkain?
8 Subali’t hindi kaya sa halip ay sasabihin sa kanya, Ipaghanda mo ako ng makakain, at magbigkis ka at paglingkuran mo ako hanggang sa ako ay makakain at makainom; at saka ka kumain at uminom?
9 Pinasalamatan ba niya ang alipin sapagka’t ginawa nito ang mga bagay na iniutos sa kanya?
10 Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng bagay na sa inyo ay iniutos, inyong sabihin, Kami ay mga walang pakinabang na alipin; ginawa namin ang nararapat naming gawin.
30. Nililinis ang Sampung Ketongin
17:11-19
11 At nangyari na habang Siya ay patungo sa Herusalem, na Siya ay naparaan sa hangganan ng Samaria at Galilea.
12 At sa pagpasok Niya sa isang nayon, sinalubong Siya ng sampung 1lalakeng ketongin, na nagsitayo sa malayo;
13 At sila ay nagsipagtaas ng kanilang tinig, na nagsisipagsabi, Hesus, Guro, maawa Ka sa amin!
14 At pagkakita sa kanila, sinabi Niya sa kanila, Magsihayo kayo at kayo ay magpakita sa mga saserdote. At nangyari na samantalang sila ay 1nagsisiparoon ay nangalinis sila.
15 Subali’t ang isa sa kanila, pagkakita na siya ay napagaling ay nagbalik, niluluwalhati ang Diyos ng may isang malakas na tinig;
16 At siya ay nagpatirapa sa Kanyang paanan, nagpapasalamat sa Kanya; at siya ay isang Samaritano.
17 At si Hesus ay sumagot at nagsabi, Hindi ba sampu ang nilinis? Subali’t ang siyam — nasaan sila?
18 Wala bang nagbalik upang lumuwalhati sa Diyos kundi ang banyagang ito?
19 At sinabi Niya sa kanya, Tumayo ka at yumaon ka; ang iyong pananampalataya ang 1nagpagaling sa iyo.
31. Itinuturo ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa Pag-akyat-na-may-masidhing-kagalakan ng mga Mandaraig
17:20-37
20 At palibhasa ay tinanong Siya ng mga Fariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos, Siya ay sumagot sa kanila at nagsabi, Ang 1kaharian ng Diyos ay 2hindi paririto na mapagkikita;
21 Ni sasabihin man nila, Tingnan, naririto! O, Naririyan! Sapagka’t tingnan, ang 1kaharian ng Diyos ay nasa gitna 2ninyo.
22 At sinabi Niya sa mga disipulo, Darating ang mga araw na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, at 1hindi ninyo makikita ito.
23 At sasabihin nila sa inyo, Tingnan, naririyan! Tingnan, naririto! Huwag kayong magsisiparoon, ni magsisisunod man sa kanila.
24 Sapagka’t gaya ng 1kidlat na kumikislap buhat sa isang panig 2ng langit at nagliliwanag sa kabilang panig 2ng langit, gayundin naman ang Anak ng Tao sa Kanyang araw.
25 Datapuwa’t kailangan muna Niyang magbatá ng maraming bagay at maitakwil ng henerasyong ito.
26 1At kung paano ang nangyari sa mga 2araw ni Noe, gayundin naman ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng Tao:
27 Sila ay nagsisikain, sila ay nagsisiinom, sila ay nangag-aasawa, at sila ay pinapag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa arka si Noe, at dumating ang baha, at nilipol silang lahat.
28 Gayundin naman, maging ang pangyayari noong mga araw ni Lot: sila ay nagsisikain, sila ay nagsisiinom, sila ay nagsisibili, sila ay nangagbibili, sila ay nangagtatanim, sila ay nangagtatayo ng bahay;
29 Datapuwa’t nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre mula sa langit, at nilipol silang lahat.
30 Sa gayunding paraan sa araw na ang Anak ng Tao ay mahahayag.
31 Sa araw na yaon, siya na mapasasabubungan at ang kanyang mga ari-arian ay nasa bahay ay 1huwag manaog upang kunin ang mga yaon; at siya na nasa bukid, gayundin, ay huwag lumingon sa mga bagay na nasa likuran.
32 Alalahanin ang 1asawa ni Lot.
33 Sinumang nagsisikap na 1ingatan ang kanyang pangkaluluwang buhay ay mawawalan nito, at sinuman ang mawawalan ng kanyang pangkaluluwang buhay ay siyang makapag-iingat nito nang buháy.
34 1Sinasabi Ko sa inyo, sa gabing yaon magkakaroon ng dalawang magkasama sa iisang supa; 2kukunin ang isa, at iiwan ang isa.
35 Magkakaroon ng dalawang babae na magkasamang gigiling sa parehong lugar; 1kukunin ang isa, datapuwa’t iiwan ang isa.
36 1Magkakaroon ng dalawang lalake na nasa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.
37 At sa pagsagot, sila ay nagsasabi sa Kanya, Saan Panginoon? At Siya ay nagsabi sa kanila, Kung saan naroroon ang 1katawan, doon naman magkakatipon ang mga buwitre.