Juan
KAPITULO 6
5. Ang Kinakailangan ng Nagugutom—Pagpapakain ng Buhay
6:1-71
a. Ang Gutom na Sanlibutan at ang Nagpapakain na Kristo
bb. 1-15
1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay naparoon si Hesus sa kabilang ibayo ng 1dagat ng Galilea, na siyang dagat ng Tiberias.
2 At sumusunod sa Kanya ang lubhang maraming tao, sapagka’t kanilang nangakikita ang mga tanda na ginagawa Niya sa mga may sakit.
3 At umahon si Hesus sa 1bundok at doon ay naupo Siya kasama ang Kanyang mga disipulo.
4 Malapit na nga ang 1Paskua, na kapistahan ng mga Hudyo.
5 Itinanaw nga ni Hesus ang Kanyang mga mata at pagkakita na ang lubhang maraming tao ay lumalapit sa Kanya, ay nagsabi kay Felipe, Saan tayo bibili ng tinapay, upang makakain ang mga ito?
6 At ito ay sinabi Niya upang siya ay subukin, sapagka’t nalalaman Niya sa Kanyang Sarili kung ano ang Kanyang gagawin.
7 Sumagot si Felipe sa Kanya, Hindi magkakasya sa kanila ang dalawandaang 1denariong tinapay, upang makakain nang kaunti ang bawa’t isa.
8 Sinabi sa Kanya ng isa sa Kanyang mga disipulo, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro,
9 May isang batang lalake rito, na may 1limang tinapay na 2sebada, at 1dalawang 2isda, datapuwa’t gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan?
10 Sinabi ni Hesus, Inyong paupuin ang mga tao. Madamo nga sa dakong yaon. Kaya’t nagsiupo ang mga lalake, na may mga limang libo ang bilang.
11 Kinuha nga ni Hesus ang mga tinapay, at nang makapagpasalamat, ay ipinamahagi Niya sa kanilang nangakaupo; at gayon din naman binigyan sila ng mga isda, kung gaano ang ibigin nila.
12 At nang sila ay mangabusog, sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, Pulutin ninyo ang mga napagpira-pirasong lumabis upang walang anumang masayang.
13 Kaya’t kanilang tinipon at nangapuno ang 1labindalawang bakol ng mga napagpira-piraso sa limang tinapay na sebada, na lumabis sa nagsikain.
14 Kaya’t nang makita ng mga tao ang tandang ginawa Niya, ay kanilang sinabi, Totoong ito nga ang propeta na paririto sa sanlibutan.
15 Nang mapaghalata nga ni Hesus na sila ay magsisilapit at Siya ay aagawin 1upang gawing hari, muli Siyang nagbalik sa bundok na nag-iisa.
b. Ang Nagugulumihanang Sanlibutan at ang Kristong Nagbibigay ng Kapayapaan
bb. 16-21
16 At nang nagtatakip-silim na, nagsilusong ang Kanyang mga disipulo sa dagat,
17 At nagsilulan sila sa isang daong, at kanilang tinawid ang dagat hanggang sa Capernaum. At madilim na nga, at hindi pa dumarating sa kanila si Hesus.
18 At 1lumalaki ang dagat dahil sa isang malakas na hanging humihihip.
19 Nang sila nga ay nangakagaod na ng may 1dalawampu’ t lima o tatlumpung estadio, kanilang nakita si 2Hesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat at lumalapit sa daong, at sila ay nangahintakutan.
20 Datapuwa’t sinabi Niya sa kanila, Ako ito, huwag kayong mangatakot.
21 Malugod nga nilang 1tinanggap Siya sa daong; at pagdaka ay dumating ang daong sa lupang kanilang tinutunguhan.
c. Ang Tinapay ng Buhay
bb. 22-71
(1) Ang mga Naghahanap ng Pagkaing Nasisira
bb. 22-31
22 Nang kinabukasan ay nakita ng karamihang nakatayo sa kabilang ibayo ng dagat na roon ay walang ibang daong kundi isa, at hindi lumulan sa daong si Hesus na kasama ang Kanyang mga disipulo, kundi ang Kanyang mga disipulo lamang ang nagsipaglayag.
23 Gayunman ay may mga daong na nagsidating mula sa Tiberias malapit sa dako na kanilang kinainan ng tinapay pagkatapos na makapagpasalamat ang Panginoon.
24 Nang makita nga ng karamihan na wala roon si Hesus, ni ang Kanyang mga disipulo man, ay nagsilulan sila sa mga daong, at nagsiparoon sa Capernaum, na hinahanap si Hesus.
25 At nang Siya ay kanilang masumpungan sa kabilang ibayo ng dagat, kanilang sinabi sa Kanya, Rabi, kailan Ka dumating dito?
26 Sinagot sila ni Hesus at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ako ay inyong hinahanap, hindi dahil sa nangakita ninyo ang mga tanda, kundi dahil sa kayo ay nagsikain ng tinapay, at kayo ay nangabusog.
27 Huwag kayong magsigawa para sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing nananatili hanggang sa 1buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao; sapagka’t Siya ang tinatakan ng Ama, samakatuwid baga ay ang Diyos.
28 Sinabi nga nila sa Kanya, Ano ang aming 1gagawin upang aming 1magawa ang mga gawa ng Diyos?
29 Sumagot si Hesus at sa kanila ay sinabi, Ito ang gawa ng Diyos, na kayo ay 1sumampalataya 2sa Kanya na Kanyang 3isinugo.
30 Sinabi nga nila sa Kanya, Ano ngang tanda ang Iyong gagawin, upang aming makita, at sampalatayanan Ka namin? Anong gawa ang Iyong gagawin?
31 Nagsikain ang aming mga magulang ng manna sa ilang, gaya ng nasusulat, Tinapay na galing sa langit ang sa kanila ay Kanyang ipinakain.
(2) Ang Pagkaing Nananatili hanggang sa Buhay na Walang Hanggan
bb.32-71
(a) Naging Laman
bb. 32-51a
32 Sinabi nga sa kanila ni Hesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit, kundi ang Aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.
33 Sapagka’t ang tinapay ng Diyos ay yaong 1bumababang mula sa langit, at nagbibigay-buhay sa sanlibutan.
34 Sa Kanya nga ay kanilang sinabi, Panginoon, bigyan Mo kaming palagi ng tinapay na ito.
35 Sa kanila ay sinabi ni Hesus, Ako ang 1tinapay ng buhay; ang pumaparito sa Akin sa anumang paraan ay 2hindi magugutom, at ang sumasampalataya 3sa Akin kailanman ay hindi mauuhaw.
36 Datapuwa’t sinabi Ko sa inyo, na nakita ninyo Ako, subali’t hindi kayo nagsisampalataya.
37 Ang lahat ng ibinibigay sa Akin ng Ama ay magsisilapit sa Akin, at ang pumaparito sa Akin sa anumang paraan ay hindi ko itataboy.
38 Sapagka’t bumaba Akong mula sa langit, hindi upang gawin Ko ang Aking Sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa Akin.
39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa Akin, na 1sa lahat ng ibinigay Niya sa Akin ay huwag Kong iwala ang anuman, kundi ibangon sa huling araw.
40 Sapagka’t ito ang kalooban ng Aking Ama, na ang bawa’t nakakikita sa Anak at sumasampalataya 1sa Kanya ay magkakaroon ng walang hanggang buhay, at Akin siyang ibabangon sa huling araw.
41 Ang mga Hudyo nga ay nagbulung-bulungan tungkol sa Kanya sapagka’t Kanyang sinabi, Ako ang tinapay na bumabang galing sa langit.
42 At kanilang sinabi, Hindi ba ito ay si Hesus, ang 1anak ni Jose, na nakikilala natin ang Kanyang ama at ina? Paano ngang sinasabi Niya, Ako ay bumabang galing sa langit?
43 Sumagot si Hesus at sa kanila ay sinabi, Huwag kayong mangagbulung-bulungan.
44 Walang taong makaparirito sa Akin, maliban na siya ay akitin ng Amang nagsugo sa Akin; at siya ay Aking ibabangon sa huling araw.
45 Nasusulat sa mga Propeta, At tuturuan silang lahat ng Diyos. Ang bawa’t nakarinig at natuto 1sa Ama ay pumaparito sa Akin.
46 Hindi sa ang sinuman ay nakakita sa Ama, kundi Siyang 1nanggaling sa Diyos, Siya ang nakakita sa Ama.
47 Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ang sumasampalataya sa Akin ay may buhay na walang hanggan.
48 Ako ang tinapay ng buhay.
49 Nagsikain ang inyong mga magulang ng manna sa ilang, at sila ay nangamatay.
50 Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang sinuman ay makakain nito at huwag mamatay.
51 Ako ang 1buháy na tinapay na bumabang galing sa langit; kung ang sinuman ay kumain 2ng tinapay na ito siya ay mabubuhay magpakailanman;
(b) Pinatay
bb. 51b-55
At ang tinapay na Aking ibibigay ay ang Aking 3laman, na Aking 4ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan.
52 Ang mga Hudyo nga ay nangagtatalo, na nangagsasabi, Paanong maipakakain sa atin ng Taong ito ang Kanyang laman?
53 Sinabi nga sa kanila ni Hesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, malibang inyong kanin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang Kanyang 1dugo, ay wala kayong buhay sa inyong mga sarili.
54 Ang 1kumakain ng Aking 2laman at umiinom ng Aking 2dugo ay may buhay na walang hanggan, at siya ay Aking ibabangon sa huling araw.
55 Sapagka’t ang Aking laman ay tunay na pagkain, at ang Aking dugo ay tunay na inumin.
(c) Nabuhay na muli upang Manahanan
bb. 56-59
56 Ang kumakain ng Aking laman at umiinom ng Aking dugo ay nanahan sa Akin at 1Ako sa kanya.
57 Kung paanong isinugo Ako ng Amang buháy, at Ako ay nabubuhay dahil sa Ama, gayundin naman ang 1kumakain sa Akin, siya naman ay mabubuhay dahil sa Akin.
58 Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit; hindi gaya ng mga magulang na nagsikain, at nangamatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.
59 Sinabi Niya ang mga bagay na ito sa sinagoga, samantalang Siya ay nagtuturo sa Capernaum.
(d) Umakyat sa langit
bb. 60-62
60 Marami nga sa Kanyang mga disipulo, nang kanilang marinig ito, ay nangagsabi, Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig nito?
61 Datapuwa’t pagkaalam ni Hesus sa loob ng Kanyang Sarili na nagbubulung-bulong ang Kanyang mga disipulo tungkol dito, sa kanila ay sinabi, Ito ba ay nakapagpapatisod sa inyo?
62 Ano nga kung makita ninyong 1umaakyat ang Anak ng Tao sa kinaroroonan Niya nang una?
(e) Naging ang Espiritung Nagbibigay-buhay
bb. 63-65
63 Ang 1Espiritu nga ang nagbibigay-buhay; sa 2laman ay walang anumang pinakikinabang; ang mga 3salitang sinalita Ko na sa inyo ay pawang espiritu at pawang buhay.
64 Datapuwa’t may ilan sa inyong hindi nagsisisampalataya. Sapagka’t talastas na ni Hesus buhat pa nang una kung sinu-sino ang hindi nagsisisampalataya, at kung sino ang sa Kanya ay 1magkakanulo.
65 At sinabi Niya, Dahil dito ay sinabi Ko sa inyo na walang taong makaparirito sa Akin, maliban na ipagkaloob sa Kanya ng Ama.
(f) Natanto nang Kongkreto sa Salita ng Buhay
bb. 66-71
66 Mula rito ay marami sa Kanyang mga disipulo ang nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa Kanya.
67 Sinabi nga ni Hesus sa labindalawa, Ibig din ba ninyong magsialis?
68 Sinagot Siya ni Simon Pedro, Panginoon, kanino kami magsisiparoon? Ikaw ang may mga 1salita ng buhay na walang hanggan.
69 At kami ay nagsisisampalataya at nakikilala namin na Ikaw ang Banal na Isa ng Diyos.
70 Sinagot sila ni Hesus, Hindi ba hinirang Ko kayong labindalawa, at ang isa sa inyo ay diyablo?
71 Tinutukoy nga Niya si Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagka’t siya ang sa Kanya ay magkakanulo, palibhasa ay isa sa labindalawa.