Juan
KAPITULO 18
C. Ang Buhay Dumaan sa mga Hakbangin ng Kamatayan
at Pagkabuhay na muli para sa Pagpaparami
18:1 – 20:13, 17
1. Kusang Ibinigay ang Kanyang Sarili na may Kalakasang loob
upang Dumaan sa Iba’t ibang Hakbangin
18:1-11
1 Nang masabi na ni Hesus ang mga bagay na ito, Siya ay 1umalis kasama ng Kanyang mga disipulo na nagsitawid sa batis ng Kedron, na roon ay may isang halamanan, na pinasok Niya at ng Kanyang mga disipulo.
2 Ang dako ay nalalaman din naman ni Judas, na sa Kanya ay magkakanulo, sapagka’t madalas na si Hesus ay nakikipagtipon sa Kanyang mga disipulo roon.
3 Si Judas nga, pagkatanggap ng pulutong ng mga kawal at mga punong kawal mula sa mga pangulong saserdote at mga Fariseo, ay pumaroon na may mga ilawan at mga sulo at mga sandata.
4 Si Hesus nga, na nakaaalam ng lahat ng bagay na sasapit sa Kanya, ay 1lumabas at sa kanila ay sinabi, Sino ang inyong hinahanap?
5 Siya ay sinagot nila, Si Hesus na Nazareno. Kanyang sinabi sa kanila, 1Ako Nga. At si Judas din naman, na sa Kanya ay nagkakanulo, ay nakatayong kasama nila.
6 Pagkasabi nga Niya sa kanila, Ako nga, sila ay nagsiurong at nabuwal sa lupa.
7 Muli ngang sila ay tinanong Niya, Sino ang inyong hinahanap? At sinabi nila, Si Hesus na Nazareno.
8 Sumagot si Hesus, Sinabi Ko sa Inyo na Ako nga; samakatuwid kung Ako ang inyong hinahanap pabayaan ninyo 1ang mga ito na magsiyaon sa kanilang lakad
9 Upang matupad ang salitang sinalita Niya, Sa mga ibinigay Mo sa Akin ay wala Akong iwinala kahit isa.
10 Pagkatapos, binunot ni Simon Pedro ang dala niyang tabak at tinaga ang alipin ng mataas na saserdote at tinagpas ang kanyang kanang tainga. Ang pangalan ng aliping yaon ay Malco.
11 Sinabi nga ni Hesus kay Pedro, Isalong mo ang iyong tabak; ang 1sarong sa Akin ay ibinigay ng Ama, hindi Ko ba iinumin?
2. Sa gitna ng Pagsusuri ng mga Tao, Nanatili Siyang Kapita-pitagan
18:12-38a
a. Sinuri ng mga Hudyo
ayon sa Kautusan ng Diyos sa Kanilang Relihiyon
18:12-27
12 Kaya dinakip si Hesus ng pulutong at ng 1pangulong kapitan, at ng mga punong kawal ng mga Hudyo, at Siya ay ginapos,
13 At Siya ay 1dinala muna kay Anás; sapagka’t siya ay biyenan ni Caifás, na mataas na saserdote nang taong yaon.
14 Si Caifás nga ang siyang nagpayo sa mga Hudyo na nararapat na ang isang tao ay mamatay para sa bayan.
15 At sumunod si Simon Pedro kay Hesus, at gayundin ang isa pang disipulo. Ang disipulo ngang yaon ay kilala ng mataas na saserdote, at pumasok na kasama ni Hesus sa looban ng mataas na saserdote;
16 Nguni’t si Pedro ay nakatayo sa pintuan sa labas. Kaya’t ang isang disipulo, na kilala ng mataas na saserdote, ay lumabas at kinausap ang babaeng tanod-pinto at ipinasok si Pedro.
17 Sinabi nga kay Pedro ng dalagang tanod-pinto, Pati ba ikaw ay isa sa mga disipulo ng Taong ito? Sinabi niya, Hindi.
18 Nangakatayo nga roon ang mga alipin at ang mga punong kawal, na nagpapabaga ng uling, sapagka’t maginaw, at sila ay nangagpapainit; at si Pedro rin naman ay kasama nila, na nakatayo at nagpapainit.
19 Tinanong nga ng mataas na saserdote si Hesus tungkol sa Kanyang mga disipulo at sa Kanyang pagtuturo.
20 Sinagot siya ni Hesus, Ako ay hayag na nagsalita sa sanlibutan; Ako ay laging nagtuturo sa isang sinagoga at sa templo, na siyang pinagkakatipunan ng lahat ng mga Hudyo, at wala Akong sinalita sa lihim.
21 1Bakit Ako ay iyong tinatanong? Tanungin mo silang nangakarinig sa Akin, kung anong sinalita Ko sa kanila; narito, ang mga ito ang nangakaaalam ng mga bagay na sinabi Ko.
22 At nang Kanyang masabi ito, sinampal si Hesus ng isa sa mga punong kawal na nakatayo roon, na nagsasabi, Ganyan ba ang pagsagot Mo sa mataas na saserdote?
23 Sinagot siya ni Hesus, Kung Ako ay nagsalita ng masama, patotohanan mo ang kasamaan; datapuwa’t kung mabuti, bakit mo Ako sinasampal?
24 Ipinadala nga Siyang nakagapos ni Anás kay Caifás na mataas na saserdote.
25 Nakatayo nga si Simon Pedro at nagpapainit. Sinabi nga nila sa kanya, Ikaw ba ay isa rin sa kanyang mga disipulo? Siya ay nagkaila at nagsabi, Hindi.
26 Ang isa sa mga alipin ng mataas na saserdote na kamag-anak niyaong tinagpas ni Pedro ang tainga ay nagsabi, Hindi ba ikaw ay nakita kong kasama Niya sa halamanan?
27 Muli ngang nagkaila si Pedro, at kapagdaka ay tumilaok ang isang tandang.
b. Sinuri ng mga Hentil ayon sa batas ng tao sa kanilang pulitika
18:28-38a
28 Dinala nga nila si Hesus mula kay Caifás hanggang sa 1pretorio; at noon ay 2maaga pa. At sila ay hindi nagsipasok sa pretorio, upang hindi sila marungisan, kundi sila ay mangyaring makakain ng Paskua.
29 Lumabas nga sa kanila si Pilato at nagsabi, Anong sakdal ang dala ninyo laban sa Taong ito?
30 Sila ay nagsisagot at nagsabi sa kanya, Kung ang Taong ito ay hindi gumagawa ng masama, hindi namin sana Siya dinala sa iyo.
31 Sa kanila nga ay sinabi ni Pilato, Kunin ninyo Siya at Siya ay inyong hatulan ayon sa inyong kautusan. Ang mga Hudyo ay nangagsabi sa kanya, Sa amin ay hindi naayon sa kautusan ang magpapatay ng sinuman;
32 Upang matupad ang salitang sinalita ni Hesus, na ipinaaalam kung sa anong 1paraan ng kamatayan Siya mamamatay.
33 Si Pilato nga ay muling pumasok sa pretorio at tinawag si Hesus, at sa Kanya ay sinabi, Ikaw ba ang Hari ng mga Hudyo?
34 Sumagot si Hesus, 1Sinasabi mo ba ito sa iyong sarili, o sinabi sa iyo ng iba ang tungkol sa Akin?
35 Si Pilato ay sumagot, Ako ba ay Hudyo? Ang Iyong Sariling bansa at ang mga pangulong saserdote ang sa Iyo ay nagdala sa akin. Anong ginawa Mo?
36 Sumagot si Hesus, Ang kaharian Ko ay hindi 1sa sanlibutang ito. Kung ang kaharian Ko ay 1sa sanlibutang ito, ang Aking mga tagapaglingkod nga ay makikipagbaka upang Ako ay huwag maibigay sa mga Hudyo; nguni’t ngayon ang Aking kaharian ay hindi mula sa sanlibutang ito.
37 Sinabi nga sa Kanya ni Pilato, Ikaw nga ba ay Hari? Sumagot si Hesus, Ikaw ang nagsasabing Ako ay Hari. Ako ay ipinanganak dahil dito, at dahil dito Ako ay naparito sa sanlibutan, upang bigyang patotoo ang 1katotohanan. Ang bawa’t isang mula sa 1katotohanan ay nakikinig sa Aking tinig.
38 Sinabi sa Kanya ni Pilato, Ano ang katotohanan?
3. Hindi Makatarungang Hinatulan
ng Bulag na Relihiyon na may Madilim na Pulitika ng Tao
18:38b – 19:16
At nang masabi niya ito ay lumabas siyang muli sa mga Hudyo at sa kanila ay sinabi, Wala akong masumpungang anumang 1kasalanan sa Kanya.
39 Nguni’t kayo ay may kaugalian na pawalan ko sa inyo ang isa sa Paskua. Ibig nga ba ninyong sa inyo ay pawalan ko ang Hari ng mga Hudyo?
40 Sila nga ay nagsigawang muli, na nangagsasabi, Huwag ang Taong ito, kundi si Barrabás. Si Barrabás nga ay isang tulisan.