Mga Gawa
KAPITULO 17
d. Sa Tesalonica
17:1-9
1 Nang makatahak na sila sa Amfipolis at Apolonia, sumapit sila sa 1Tesalonica, na kinaroroonan ng isang 2sinagoga ng mga Hudyo.
2 At ayon sa kaugalian ni Pablo, 1pumasok siya sa kanila, at sa tatlong Sabbath ay nakipagmatuwiranan siya sa kanila mula sa mga Kasulatan,
3 Na binubuksan at pinatutunayan sa harap nila na ang Kristo ay kinakailangang magdusa at bumangon mula sa mga patay, at sinasabi, Ito ang Kristo, si Hesus, na Siya kong ipinahahayag sa inyo.
4 At nahikayat ang ilan sa kanila at 1nakiisa kina Pablo at Silas, at sa mga sumasambang Griyego ay lubhang marami, at sa mga nangungunang kababaihan ay hindi kakaunti.
5 Datapuwa’t ang mga Hudyo, sa pagkainggit ay nagsama ng ilang masasamang tao na pagala-gala sa pamilihan, at nagtipon ng isang karamihan at nanggulo sa lunsod; at pagkalusob sa bahay ni Jason, sinikap nilang dalhin sila sa harap ng mga tao.
6 Subali’t nang sila ay hindi nila matagpuan, kinaladkad nila si Jason at ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng bayan, na ipinagsisigawan, Ang mga taong ito na nanggulo sa 1sanlibutan ay nagsiparito rin,
7 Na tinanggap ni Jason; at ang lahat ng mga ito ay gumagawa ng laban sa mga utos ni Cesar, na nagsasabing may ibang hari, si Hesus.
8 At ginulo nila ang karamihan at ang mga pinuno ng bayan nang marinig nila ang mga bagay na ito.
9 At nang makuha na nila ang piyansa mula kay Jason at sa iba pa, sila ay pinawalan nila.
e. Sa Berea
17:10-13
10 At pinayaong madali ng mga kapatid sina Pablo at Silas nang gabi ring yaon patungo sa Berea, na nang magsidating ay nagsipasok sa sinagoga ng mga Hudyo.
11 Ngayon ang mga ito ay higit na mararangal kaysa sa mga taga-Tesalonica, sapagka’t kanilang tinanggap ang salita ng may buong pananabik, nagsisiyasat sa mga Kasulatan araw-araw, upang tingnan kung ang mga bagay na ito ay gayon nga.
12 Kaya’t marami sa kanila ang sumampalataya, at hindi kakaunting babaeng Griyego na may mataas na katayuan at mga lalake.
13 Datapuwa’t nang malaman ng mga Hudyong mula sa Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinahayag din ni Pablo sa Berea, sila ay pumaroon din naman, na sinusulsulan at ginugulo ang karamihan.
f. Sa Atenas
17:14-34
(1) Isinugo ng mga Kapatid
bb. 14-15
14 At kapagdaka ay pinayaon ng mga kapatid si Pablo upang pumaroon hanggang sa dagat, subali’t si Silas at Timoteo ay nanatili roon.
15 At si Pablo ay dinala ng mga naghatid sa kanya hanggang sa 1Atenas; at nang matanggap na nila ang utos upang si Silas at Timoteo ay pumaroon sa kanya sa lalong madaling panahon, sila ay umalis.
(2) Nakikipagmatuwiranan sa mga Hudyo
at Hinaharap ang mga Pilosopong Hentil
bb. 16-18
16 Ngayon samantalang sila ay hinihintay ni Pablo sa Atenas, ang kanyang 1espiritu ay napagalit sa loob niya sa pagkamasid na ang lunsod ay 2puno ng mga diyus-diyusan.
17 Kaya’t siya ay nakipagmatuwiranan sa sinagoga sa mga Hudyo at sa mga sumasamba, at araw-araw sa pamilihan sa mga nagkataong naroroon.
18 At ilan din sa mga pilosopong 1Epicureo at 2Estoico ang humarap sa kanya, at ang ilan ay nagsasabi, Ano ang nais sabihin ng 3masalitang ito? At ang ilan, Para bang siya ay tagapaghayag ng mga kakaibang demonyo sapagka’t nagdadala siya ng mabuting balita tungkol kay Hesus at sa pagkabuhay na muli.
(3) Nagpapahayag sa Areopago
bb. 19-34
19 At kanilang hinawakan siya at dinala siya sa 1Areopago, na nagsasabi, Maaari bang malaman namin kung ano ang bagong pagtuturong ito na sinasalita mo?
20 Sapagka’t ikaw ay nagdadala ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga. Nais nga naming malaman kung 1ano ang kahulugan ng mga ito.
21 (Lahat nga ng mga taga-Atenas at ng mga taga-ibang bayan na nakikipamayan doon ay naggugugol ng kanilang panahon sa walang ibang bagay maliban sa pagsasalaysay o pakikinig ng anumang bagay na 1bago.
22 At tumayo si Pablo sa gitna ng Areopago at nagsabi, Mga ginoo, mga taga-Atenas, napansin ko kung paanong sa lahat ng bagay kayo ay 1lubhang relihiyoso.
23 Sapagka’t habang ako ay nagdaraan at maingat na nagmamasid sa mga bagay ng inyong pagsamba, ako ay nakasumpong ng isang dambana na may nakasulat na, SA ISANG DIYOS NA DI-KILALA. Kung ano nga ang sinasamba ninyo na di-kilala, ito ang ipapahayag ko sa inyo.
24 Ang 1Diyos na lumikha ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, Siya, palibhasa ay Panginoon ng langit at lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong gawa ng mga kamay,
25 Ni hindi rin naman Siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng mga tao na para bang nangangailangan Siya ng anumang bagay, yamang Siya Mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at hininga at lahat ng mga bagay;
26 At ginawa Niya mula sa 1isa ang bawa’ t bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng lupa, na itinatakda ang kanilang mga 2itinalagang kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tinatahanan,
27 Upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling Siya ay maapuhap nila at masumpungan Siya, bagama’t Siya ay totoong 1hindi malayo sa bawa’t isa sa atin;
28 Sapagka’t 1sa Kanya tayo ay nangabubuhay at gumagalaw at tayo nga, na gaya ng sinabi ng ilan sa inyong mga 2manunula, Sapagka’t tayo rin naman ay 3Kanyang mga 4supling.
29 Yamang tayo nga ay mga supling ng Diyos, hindi natin dapat akalain na ang 1Dibinong Diyos ay tulad ng ginto o pilak o bato, na isang inukit na gawa ng sining at 2kaisipan ng tao.
30 Kaya’t matapos na hindi punahin ang panahon ng kamangmangan, 1inuutusan ngayon ng Diyos ang lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi,
31 Sapagka’t Siya ay nagtakda ng isang 1araw kung kailan Niya hahatulan ang pinananahanang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng isang Tao na Kanyang itinalaga, nang mabigyan ng 2katibayan ang lahat sa pamamagitan ng pagbangon sa Kanya mula sa mga patay.
32 Ngayon nang kanilang marinig ang tungkol sa pagkabuhay na muli ng patay, ang ilan ay nanlibak; ang iba ay nagsabi, Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.
33 Sa gayon ay umalis si Pablo sa gitna nila.
34 Datapuwa’t ang ilang tao ay sumama sa kanya at sumampalataya, kabilang si Dionisio na Areopagito, at isang babaeng nagngangalang Damaris, at iba pang kasama nila.