Apocalipsis
KAPITULO 18
b. Ang Materyal na Aspekto
18:1-24
(1) Sigaw ni Kristo: “Ang Dakilang Babilonia ay Naguho”
bb. 1-3
1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang 1ibang Anghel na nananaog 2mula sa langit, na may dakilang awtoridad; at ang lupa ay naliwanagan ng Kanyang kaluwalhatian.
2 At Siya ay sumigaw ng may malakas na tinig, na nagsasabi, 1Naguho, naguho ang dakilang Babilonia! At siya ay naging isang tahanan ng mga demonyo, at isang 2kulungan ng bawa’t espiritung marumi at isang 3hawla ng bawa’t marumi at kasuklam-suklam na ibon;
3 Sapagka’t ang lahat ng mga bansa ay 1nakainom ng alak ng matinding galit ng kanyang pakikiapid, at ang mga hari sa lupa ay nangakiapid sa kanya, at ang mga mangangalakal sa lupa ay nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kanyang kalayawan.
(2) Pagtawag para sa Paghihiwalay: “Lumabas Kayo sa Kanya”
bb. 4-5
4 At narinig ko ang ibang tinig mula sa langit, na nagsasabi, 1Lumabas kayo sa kanya, bayan Ko, upang hindi kayo 2mangaramay sa kanyang mga kasalanan, at magsitanggap ng kanyang mga salot;
5 Sapagka’t ang kanyang mga kasalanan ay umabot hanggang sa langit at naalaala ng Diyos ang kanyang mga 1katampalasanan.
(3) Ang Kapalaluan at Pagkawasak ng Babilonia
bb. 6-8
6 Bayaran ninyo siya maging ng ayon sa kanyang ibinayad, at 1doblehin ninyo nang doble ayon sa kanyang mga gawa. Sa sarong kanyang pinaghaluan ay ipaghalo ninyo siya nang doble.
7 Kung gaano ang kanyang pagmamataas at pamumuhay nang malayaw, ay gayon din naman ang ibigay ninyo sa kanyang pahirap at dalamhati; sapagka’t sinasabi niya sa kanyang puso, Ako ay nakaupong reyna, at hindi ako balo, at hindi ko makikita kailanman ang dalamhati.
8 Kaya’t darating ang kanyang mga salot sa isang araw, kamatayan at dalamhati at taggutom, at siya ay lubos na 1susunugin sa apoy; sapagka’t ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya ay malakas.
(4) Tinatangisan ang Babilonia
bb. 9-19
9 At ang mga hari sa lupa, na nangakiapid at nangabuhay nang malayaw na kasama niya, ay mangagsisitangis at mangagsisitaghoy dahil sa kanya, pagkakita nila sa usok ng kanyang pagkasunog
10 At nangakatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya, na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, ng dakilang lunsod na Babilonia, ang matibay na lunsod, sapagka’t sa loob ng isang oras ay dumating ang hatol sa iyo!
11 At ang mga mangangalakal sa lupa ay nangagsisitangis at nangagluluksa dahil sa kanya, sapagka’t wala nang bibili pa ng kanilang kalakal:
12 Ng 1kalakal na ginto at pilak at mahalagang bato at mga perlas at pinong lino at kayong kulay-ube at sutla at kayong eskarlata, at sari-saring 2mababangong kahoy at bawa’t kasangkapang garing at bawa’t kasangkapang mahalagang kahoy at tanso at bakal at marmol,
13 At kanela at 1thumiama at insenso at ungguwento at kamangyan at alak at langis at pinong harina at trigo at mga baka at mga tupa, at kalakal na mga kabayo at mga karuwahe at mga 2katawan, at mga 3kaluluwa ng mga tao.
14 At ang mga hinog na bunga ng pita ng iyong kaluluwa ay nangapalayo sa iyo, at lahat ng mga bagay na maiinam at mariringal ay nangalipol sa iyo, at hindi na nila mangasusumpungan pa ang mga ito.
15 Ang mga mangangalakal ng mga bagay na ito, na nangagsiyaman dahil sa kanya, ay mangagsisitayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya, na nagsisitangis at nagsisipagluksa,
16 Na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, niyaong dakilang lunsod, siya na nararamtan ng pinong lino at ng kayong kulay-ube at eskarlata, at napapalamutian ng ginto at ng mahalagang bato at ng perlas;
17 Sapagka’t sa loob ng isang oras ay pinabayaan ang gayong kalaking kayamanan! At bawa’t kapitan ng barko at bawa’t naglalayag saanmang dako at mga mandaragat, at lahat ng nagsisipaghanapbuhay sa dagat, ay nangakatayo sa malayo,
18 At nangagsisigaw pagkakita sa usok ng kanyang pagkasunog, na nangagsasabi, Anong lunsod ang katulad ng dakilang lunsod?
19 At sila ay nangagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo, at nagsisigawan, na nagsisitangis at nagluluksa, na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, ng dakilang lunsod, na siyang iniyaman ng lahat ng may mga daong sa dagat dahil sa kanyang mga 1kayamanan, sapagka’t sa loob ng 2isang oras siya ay pinabayaan!
(5) Nagsisipaggalak sa Langit
b. 20
20 Magalak ka sa nangyari sa kanya, Oh langit at kayong mga banal at kayong mga apostol at kayong mga propeta, sapagka’t 1inihatol ng Diyos ang inyong hatol sa kanya.
(6) Ang Deklarasyon ng Lubos na Pagkawasak ng Babilonia
bb. 21-24
21 At dinampot ng isang malakas na anghel ang isang bato, na gaya ng isang malaking gilingang bato, at inihagis sa dagat, na sinasabi, Gayon sa isang kakilakilabot na pagkahulog, 1igigiba ang Babilonia, ang dakilang lunsod, at hindi na masusumpungan pa.
22 At ang tinig ng mga mang-aawit ng alpa, at ng mga musiko, at ng mga manunugtog ng plauta, at ng mga manunugtog ng trumpeta ay hindi na maririnig pa sa iyo, at wala nang manggagawa ng anumang gawa ang masusumpungan pa sa iyo, at ang ugong ng gilingan ay hindi na maririnig pa sa iyo,
23 At ang ilaw ng ilawan ay hindi na liliwanag pa sa iyo, at ang tinig ng kasintahang lalake at ng kasintahang babae ay hindi na maririnig pa sa iyo; sapagka’t ang mga mangangalakal mo ay naging mga dakila sa lupa, sapagka’t sa pamamagitan ng iyong 1pangkukulam ang lahat ng mga bansa ay nadaya.
24 At nasumpungan sa kanya ang dugo ng mga propeta, at ng mga banal, at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.