KAPITULO 1
1 1Ang una at huling pangalang binanggit sa Bagong Tipan (Apoc. 22:21) ay Hesus. Pinatutunayan nito na si Hesu-Kristo ang paksa ng Bagong Tipan, gayundin ang nilalaman ng Bagong Tipan.
Ang Biblia ay isang aklat ng buhay, at ang buhay na ito ay isang buháy na Persona, ang kagila-gilalas at nagpapaloob-ng-lahat na Kristo. Ang Lumang Tipan ay nagbibigay ng isang larawan ng kagila-gilalas na Personang ito sa mga sagisag at mga propesiya bilang ang darating na Isa. Ngayon sa Bagong Tipan ang kagila-gilalas na Personang ito ay dumating na. Ang unang pahina ng Bagong Tipan, inirerekomenda ang kagila-gilalas na Personang ito sa atin, ay nagbibigay sa atin ng Kanyang talaangkanan. Ang talaangkanang ito ay maaaring ituring bilang isang pahalaw na pagbubuod ng Lumang Tipan, na sa sarili nito ay ang detalyadong talâangkanan ni Kristo. Upang maunawaan ang talaangkanang ito, kailangan nating taluntunin ang pinagmulan at kasaysayan ng bawat insidente.
Si Kristo bilang ang kagila-gilalas na sentro ng buong Biblia ay nagpapaloob-ng-lahat, at nagtataglay ng maraming aspekto. Ang Bagong Tipan sa pasimula nito ay naglalahad ng apat na talambuhay upang ilarawan ang apat na pangunahing aspekto ng nagpapaloob-ng-lahat na Kristong ito. Ipinapatotoo ng Ebanghelyo ni Mateo na Siya ang Hari, ang Kristo ng Diyos ayon sa mga propesiya ng Lumang Tipan, na Siyang nagdadala ng kaharian ng mga kalangitan sa lupa. Sinasabi sa atin ng Ebanghelyo ni Marcos na Siya ang Alipin ng Diyos, matapat na nagpapagal para sa Diyos. Ang salaysay ng Marcos ang pinakapayak, sapagkat ang isang alipin ay hindi nangangailangan ng anumang detalyadong talâ. Inilalahad ng Ebanghelyo ni Lucas ang isang buong larawan Niya bilang ang tanging wasto at normal na taong namuhay rito sa lupa, at sa gayon ay ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Inihahayag Siya ng Ebanghelyo ni Juan bilang ang Anak ng Diyos, ang Diyos Mismo, upang maging buhay sa mga tao ng Diyos. Sa gitna ng apat na Ebanghelyong ito, ang Mateo at Lucas ay may isang talâ ng talaangkanan; ang Marcos at Juan ay wala. Upang patotohanan na si Hesus ay ang Hari, ang Kristo ng Diyos na pinropesiya sa Lumang Tipan, kinakailangang ipakita ni Mateo sa atin ang mga pinagmulan at katayuan ng Haring ito, pinatutunayan na Siya ang wastong kahalili sa trono ni David. Upang patunayan na si Hesus ay isang wasto at normal na tao, kinakailangang ipakita ni Lucas ang mga salinlahi ng taong ito, pinatutunayan na Siya ay napaging-dapat upang maging ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Para sa isang talâ ng isang alipin, hindi na kinakailangan ni Marcos na sabihin sa atin ang Kanyang pinagmulan. Upang ihayag na si Hesus ay ang mismong Diyos, hindi na rin kinakailangan ni Juan na ibigay sa atin ang isang pantaong talaangkanan; sa halip ay kanyang ipinahahayag na bilang ang Salita ng Diyos, Siya ay ang mismong Diyos sa pasimula.
Ang kaharian, kung saan si Kristo ay ang Hari, ay binubuo ng mga inapo ni Abraham, sinasaklaw kapwa ang kanyang inapo sa laman at yaong mga sa pananampalataya. Kaya nga, ang talaangkanan ni Kristo sa Mateo ay nagsisimula kay Abraham, ang ama ng tinawag na lahi, hindi kay Adam, ang ama ng nilikhang lahi. Ang kaharian ng Diyos ay hindi itinayo sa pamamagitan ng nilikhang lahi ni Adam, kundi sa pamamagitan ng tinawag na lahi ni Abraham, kabilang kapwa ang mga tunay na Israelita (Roma 9:6-8) at ang mga mananampalataya kay Kristo (Gal. 3:7, 9, 29). Upang patunayan na si Hesus ay isang wastong tao upang maging ang Tagapagligtas ng sangkatauhan sa pamamagitan ng paglalahad sa Kanyang talaangkanan, ang Lucas ay tumatalunton pabalik kay Adam, ang unang salinlahi ng sangkatauhan.
1 2Sa talaangkanan ni Hesus na ibinigay ni Lucas, sa pagpapatunay na Siya ay isang wastong tao, ang titulong “Kristo” ay hindi binanggit (Luc. 3:23-38). subali’t sa talaangkanan ni Kristo na ibinigay rito ni Mateo, sa pagpapatunay na Siya ang Hari, ang Kristo ng Diyos, ang titulong Kristo ay binigyang-diin nang paulit-ulit (bb. 1, 16-17).
1 3Si Salomon ay ang sagisag ni Kristo bilang “ang Anak ni David,” minamana ang trono at kaharian ni David (2 Sam. 7:12-13; Luc. 1:32-33). Si Salomon bilang sagisag ni Kristo ay gumawa ng dalawang pangunahing bagay: itinayo ang templo ng Diyos sa kaharian (1 Hari 6:2), at sinalita ang salita ng karunungan (1 Hari 10:23-24; Mat. 12:42). Sa pagsasakatuparan ni Kristo ng sagisag na ito, sinalita Niya ang salita ng karunungan at ngayon ay itinatayo ang ekklesia, ang tunay na templo ng Diyos, sa kaharian ng Diyos.
1 4Si Isaac ay sagisag ni Kristo bilang “ang Anak ni Abraham,” minamana ang pangako at pagpapala ng Diyos kay Abraham (Gen. 22:17-18; Gal. 3:16, 14). Si Isaac, bilang sagisag ni Kristo, ay gumawa rin ng dalawang pangunahing bagay: sumunod sa kanyang ama maging hanggang kamatayan at nabuhay-namuli mula sa kamatayan (Gen. 22:9-10; Heb. 11:19), at nag-asawa sa isang babaeng Hentil na si Rebecca (Gen. 24:61-67). Si Kristo, sa pagsasakatuparan ng sagisag na ito, ay inilagay sa kamatayan at inialay sa Diyos at nabuhay na muli, at kinukuha mula sa mga Hentil ang ekklesia bilang Kanyang Kasintahang Babae.
2 1*Gr. Gennao, Lit. nag-anak, o inanak. Kaya sa literal ang bersikulong ito ay maaaring basahing: Si Abraham ay nag-anak kay Isaac, atbp. gayundin ang lahat ng bersikulong may pariralang “ang ama ni” at “naging anak ni” katulad sa b. 3. Kaya ang bersikulo 3 ay maaaring basahing: At inanak ni Juda kay Tamar sina Fares at Zara; at si Fares ang nag-anak kay Hesron, at si Hesron ang nag-anak kay Aram.
2 2Walo ang naging anak ni Abraham (Gen. 16:15; 21:2-3; 25:2). Sa walong ito, tanging si “Isaac” lamang ang ibinilang bilang ang ipinangakong binhi (Roma 9:7-8). Kaya nga, si Kristo ay kanyang inapo upang isakatuparan ang pangako ng Diyos na ibinigay kay Abraham at sa kanya (Gen. 22:18; 26:4).
2 3Kambal na anak na lalake ang naging anak ni Isaac, sina Esau at Jacob (Gen. 25:21-26), subali’t tangi lamang si “Jacob” ang hinirang ng Diyos (Roma 9:10-13). Kaya nga, si Kristo ay kanyang inapo upang isakatuparan ang pangako ng Diyos na ibinigay kay Abraham, Isaac, at sa kanya (Gen. 22:18; 26:4; 28:14).
2 4Ang pagkapanganay ng ipinangakong binhi ay kinapapalooban ng dobleng bahagi ng lupa, ng pagkasaserdote, at ng pagkahari. Minana sana ni Ruben, bilang ang panganay na anak ni Jacob, ang pagkapanganay; subali’t, dahil sa kanyang karumihan, naiwala niya ang pagkapanganay (Gen. 49:3-4; 1 Cron. 5:1-2). Ang dobleng bahagi ng lupa ay napunta kay Jose sa pamamagitan ng kanyang dalawang anak na lalake, sina Manases at Efraim (Jos. 16 at 17); ang pagkasaserdote ay napunta kay Levi (Deut. 33:8-10); at ang pagkahari ay ibinigay kay Juda (Gen. 49:10; 1 Cron. 5:2). Kaya nga, si Kristo bilang ang Hari ng kaharian ng Diyos ay inapo ni “Juda,” minamana ang kaharian (Heb. 7:14).
2 5Hindi ang mga kapatid ni Isaac ni ang kapatid ni Jacob, kundi tangi lamang “ang mga kapatid na lalake” ni Juda ang binanggit sa talaangkanang ito, sapagkat tangi lamang ang mga kapatid na lalake ni Juda ang hinirang ng Diyos.
3 1Sa lahat ng talaangkanan ni Adam, walang babaeng itinalâ (Gen. 5:1-32). Subali’t sa talaangkanan ni Kristo, limang babae ang binanggit. Tangi lamang isa sa limang ito ang isang malinis na birhen, si Maria, isang inapo ng hinirang na lahi kung kanino ay tuwirang isinilang si Kristo (b. 16). At sa gitna ng iba pang mga babae sina Tamar, Rahab, Ruth (b. 5), at Bathsheba, na naging asawa ni Urias (b. 6), ay may mga Hentil, at may nagsipag-asawang muli, at tatlo sa kanila ay lubhang makasalanan: si Tamar na nagkasala ng pakikiapid sa kanyang biyenang lalake, si Rahab bilang isang patutot, at si Bathsheba na nakagawa ng pangangalunya. Ito ay nagpapakita na si Kristo ay hindi lamang iniugnay sa mga Hudyo, bagkus maging sa mga Hentil, at ang makaharing Tagapagligtas ng mga katutubong makasalanan.
Si Tamar ay ang manugang na babae ni Juda. Sa pamamagitan ng pakikiapid sa kanya ay naging anak ni Juda sina Fares at Zara (Gen. 38:6-30). Anong kasamaan!
3 2Sina “Fares at Zara” ay kambal. Noong oras ng pagluluwal, inilabas ni Zara ang kanyang kamay, at ito ay minarkahan ng nagpaanak ng isang sinulid na pula, isinasaad na siya ang magiging panganay. Gayunpaman, siya ay inunahan ni Fares upang maging ang panganay (Gen. 38:27-30). Hindi tao ang humirang sa kanya, kundi Diyos ang nagpadala sa kanya, nagpapatunay na ito ay hindi ayon sa pagpili ng tao kundi sa pagpili ng Diyos.
5 1Si “Rahab” ay isang patutot sa Jerico (Jos. 2:1), isang pook na isinumpa ng Diyos magpasawalang-hanggan (Jos. 6:26). Pagkatapos niyang bumaling sa Diyos at sa bayan ng Diyos (Jos. 6:22-23, 25; Heb. 11:31) at pinakasalan si Salmon, isang pinuno ng nangungunang angkan ni Juda (1 Cron. 2:10-11), kanyang iniluwal si Booz, isang maka-Diyos na tao, na mula sa kanya ay nanggaling si Kristo. Maging ano pa man ang ating pinagmulan, kung tayo ay babaling sa Diyos at sa Kanyang bayan at nakaugpong sa wastong tao sa gitna ng mga tao ng Diyos, tayo ay magluluwal ng wastong bunga at makikilahok sa pagtatamasa ng pagkapanganay ni Kristo.
5 2Tinubos ni “Booz” ang mana ng kanyang kamag-anak at pinakasalan ang balo ng lalake (Ruth 4:1-17). Dahil sa ginawa niyang iyon ay naging isa siyang kilalang ninuno ni Kristo, isang dakilang kasamahan ni Kristo.
5 3Ang pinagmulan ni “Ruth” ay yaong isang pakikiapid ng kanyang ninuno sa sariling anak na babae, sapagkat siya ay kabilang sa angkan ni Moab (Ruth 1:4), ang bunga ng pakikiapid ni Lot sa kanyang sariling anak na babae (Gen. 19:30-38). Ang Deuteronomio 23:3 ay nagbabawal sa mga Moabita na pumasok sa kongregasyon ng Panginoon maging hanggang ikasampung salinlahi. Subali’t si Ruth ay hindi lamang tinanggap ng Panginoon, bagkus naging isa rin sa mga pinakamahalagang ninuno ni Kristo, sapagkat hinanap niya ang Diyos at ang bayan ng Diyos (Ruth 1:15-17; 2:11-12). Maging sino pa man tayo at ano pa man ang ating pinagmulan, hangga’t tayo ay may pusong naghahanap sa Diyos at sa Kanyang bayan, tayo ay nasa isang katayuang matanggap tungo sa pagkapanganay ni Kristo.
Ang ina ni Booz, si Rahab, ay isang Cananeo at isang patutot; at ang kanyang asawa, si Ruth, ay isang Moabita na ang pinagmulan ay ang pakikiapid ng kanyang ninuno sa sariling anak na babae at siya ay isang biyuda. Sila ay parehong Hentil at mabababa ang uri, subali’t sila ay may kaugnayan kay Kristo. Si Kristo ay hindi lamang nakaugpong sa mga Hudyo, bagkus maging sa mga Hentil, kahit na roon sa mga hamak.
5 4Pinropesiya ng Isaias 11:1 na si Kristo ay magiging “isang usbong (Heb.) na lalabas sa puno ni Isai at isang Sanga mula sa kanyang mga ugat.” Si Kristo ay lumabas sa kanya. Gayunpaman, ang Isaias 11:10 ay nagsasabi na si Kristo ang ugat ni Isai, isinasaad na si Isai ay lumabas mula kay Kristo. Si Isai ay isa na nagbunga kay Kristo, na nagsanga kay Kristo sa pamamagitan ng pagkakaugat kay Kristo. *(Si Isai at si Jesse ay iisang tao).*
6 1Si “David” ang pangwalong anak ng kanyang ama, hinirang at pinahiran ng Diyos (1 Sam. 16:10-13). Isinasagisag ng bilang na walo ang pagkabuhay-na-muli. Na si David bilang ang ikawalong anak ay hinirang ng Diyos ay nagsasaad na ang kanyang kaugnayan kay Kristo ay nasa pagkabuhay-na-muli. Siya rin ay isang taong naaayon sa puso ng Diyos (1 Sam. 13:14) upang ihatid dito ang kaharian ng Diyos para kay Kristo.
Si David ang huli sa mga salinlahi ng mga ama. Siya rin ang una sa mga salinlahi ng mga hari. Siya ang konklusyon ng isang kapanahunan at ang pasimula ng kasunod. Siya ang palatandaan ng dalawang kapanahunan, sapagkat ipinasok niya ang kaharian ng Diyos at matalik ang kaugnayan niya kay Kristo.
6 2Sa talaangkanang ito, tangi lamang kay David nito sinabing “ang hari” sapagkat sa pamamagitan niya ay ipinasok ang kaharian kasama ang pagkahari.
6 3Nang si David ay gumawa ng pagpatay at pangangalunya, siya ay pinagwikaan ng propetang si Nathan na sadyang isinugo ng Diyos upang siya ay hatulan (2 Sam. 12:1-12). Nang siya ay hinatulan, si David ay nagsisi. Ang Awit 51 ay talâ ng kanyang pagsisisi. Siya ay nagsisi at siya ay pinatawad ng Diyos (2 Sam. 12:13). Pagkatapos ay naging anak niya si “Salomon” (2 Sam. 12:24). Kaya nga, si Salomon ang kinalabasan ng pagsalangsang at pagsisisi ng tao dagdag ang pagpapatawad ng Diyos.
Sinasabi ng talaangkanan sa Mateo na naging anak ni David si Salomon, subali’t sinasabi ng talaangkanan sa Lucas na si Nathan ang anak ni David (Luc. 3:31). Sinasabi sa atin ng 1 Cron. 3:1 at 5 na sila ay dalawang magkaibang tao. Ang talâ ni Lucas ay ang talaangkanan ng anak ni David na si Nathan, na siyang ninuno ni Maria; samantalang ang talâ ni Mateo ay ang talaangkanan ng anak ni David na si Salomon, na siyang ninuno ni Jose. Ang isang talaangkanan ay ang linya ni Maria, ang linya ng asawang babae; ang isa pa ay ang linya ni Jose, ang linya ng asawang lalake. Kapwa sina Maria at Jose ay mga inapo ni David. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos nagpakasal silang dalawa at nagkaroon ng kaugnayan, sa gayon, sa pamamagitan ni Maria, si Jose ay nagkaroon ng di-tuwirang kaugnayan kay Kristo. Si Kristo ay maaaring ibilang bilang inapo ni David sa pamamagitan nina Salomon at Nathan. Kaya nga, Siya ay may dalawang talaangkanan.
Sa estriktong pagsasalita, si Salomon ay hindi isang tuwirang ninuno ni Kristo. Ang kanyang kaugnayan kay Kristo ay hindi tuwiran, yaon ay, sa pamamagitan ng pagpapakasal ng kanyang inapong si Jose kay Maria, na kung kanino ay isinilang si Kristo (Mat. 1:16). Hindi sinabi ng Lumang Tipan na si Kristo ay magiging inapo ni Salomon, kundi pinropesiya nito nang paulit-ulit na si Kristo ay magiging inapo ni David (2 Sam. 7:13-14; Jer. 23:5). Bagaman si Kristo ay hindi tuwirang inapo ni Salomon, ang mga propesiya sa Lumang Tipan hinggil kay Kristo bilang inapo ni David gayunpaman ay naisakatuparan.
6 4Si Urias ay isang Heteo, isang pagano, at ang kanyang asawa ay si Bathsheba (2 Sam. 11:3). Pinatay siya ni David at kinuha ang kanyang asawang si Bathsheba. Kaya nga, si Bathsheba ay nagpakasal na muli bilang resulta ng pagpatay at pangangalunya (2 Sam. 11:26-27). Si David, bilang ang taong naaayon sa puso ng Diyos, ay gumawa ng wasto sa mga mata ng Panginoon sa lahat ng kaarawan ng kanyang buhay, liban sa isang kasamaang ito (1 Hari 15:5). Dito, sa talaangkanang ito, ay hindi sinasabing “doon kay Bathsheba,” bagkus ay “doon sa asawa ni Urias,” upang bigyang-diin ang napakalaking kasalanang ito ni David, sa gayon ay ipinakikita na si Kristo bilang ang makaharing Tagapagligtas ay hindi lamang iniugnay sa mga pagano, bagkus gayon din sa mga makasalanan.
7 1Umpisa kay “Rehoboam,” ang kaharian ni David ay nahati (1 Hari 11:9-12; 12:1-17). Sa labindalawang angkan, isa ang itinabi para sa kapakanan ni David (1 Hari 11:13), yaon ay, para kay Kristo. Kailangan ni Kristo ang kahariang nabibilang sa sambahayan ni David, sa kadahilanang Siya ay kinakailangang maisilang bilang isang tagapagmana sa trono ni David.
Kasunod ng paghahati, ang kaharian ni David ay nasa dalawang bahagi. Ang hilagang bahagi ay tinawag na kaharian ng Israel, isang pangkalahatang pangalan, sapagkat ito ay binubuo ng sampung lipi ng Israel; ang timog na bahagi ay tinawag na kaharian ng Juda, isang lokal na pangalan, sapagkat ito ay binubuo ng dalawang lipi ng Juda at ng Benjamin. Bagaman ang kaharian ng Israel ay higit na malawak kaysa yaong sa Juda, sa talaangkanan ni Kristo, wala ni isa sa pangalan ng mga hari ng Israel ang napasali. Sila ay hindi isinali sa kadahilanang sila ay walang kaugnayan kay Kristo. Sila ay para sa mga bagay maliban kay Kristo.
8 1Itinatalâ ng talaangkanan dito na “Si Joram ang ama ni Ozias.” Ihambing ang talâng ito sa 1 Cron. 3:11-12 na nagsasabing, “Si Joram na kanyang anak, si Ochozias na kanyang anak, si Joas na kanyang anak, si Amasias na kanyang anak, si Azarias” (na siyang si Ozias-2 Hari 15:1, 13). Tatlong salinlahi — Ochozias, Joas, at Amasias ang tinanggal. Marahil ito ay dahil sa masamang pagpapakasal ni Joram sa anak na babae nina Ahab at Jezebel, na nagpasamâ sa mga inapo ni Joram (2 Cron. 21:5-6; 22:1-4). Ayon sa Exo. 20:5, tatlong salinlahi ng mga inapo ni Joram ang pinutol mula sa salinlahi ni Kristo.
11 1Itinatalâ ng talaangkanan dito na “Si Josias ang ama ni Jeconias.” Ihambing ang talâng ito sa “ang mga anak ni Josias… ang ikalawa ay si Joacim… at ang mga anak ni Joacim: si Jeconias na kanyang anak” (1 Cron. 3:15-16). Ang isang salinlahi-Joacim-ay tinanggal mula sa salinlahi ni Kristo. Marahil ito ay sa kadahilanang ginawa siyang hari ng Faraon ng Ehipto at nangulekta ng buwis para sa Faraon (2 Hari 23:34-35).
11 2Si “Jeconias” ay hindi itinuring bilang isang hari sa talaangkanan sa kadahilanang siya ay isinilang noong panahon ng pagkabihag at tinangay bilang isang bihag (2 Cron. 36:9-10, si Joachin ay si Jeconias). Ayon sa propesiya ng Jer. 22:28-30, wala sa mga inapo ni Jeconias ang magmamana sa trono ni David. Kung si Kristo ay naging isang tuwirang inapo ni Jeconias, Siya ay walang karapatan sa trono ni David. Bagaman sinasabi ng Jer. 22:28-30 na ang lahat ng inapo ni Jeconias ay hindi kasali sa trono ni David, sa kasunod na kapitulo, sa bersikulo 5, sinasabi nito na ang Diyos ay magtitindig ng isang Sanga kay David, isang Hari na mamumuno at uunlad. Ang Sangang ito ay si Kristo. Ang propesiyang ito ay nagpapatibay na si Kristo ang magiging inapo ni David, bagaman hindi isang tuwirang inapo ni Jeconias, at magmamana sa trono ni David.
11 3Sa talaangkanang ito, walang binanggit tungkol sa mga kapatid na lalake ng alinmang hari. Gayunpaman, ang “mga kapatid na lalake” ni Jeconias ay binanggit dito, pinatutunayan na si Jeconias ay hindi itinuring bilang isang hari sa talaangkanang ito ni Kristo.
11 4Tumutukoy sa pagkakadalang-bihag sa Babilonia ng mga Israelita. Tingnan ang b. 17.
12 1Maging ang mga yaong tinangay patungong Babilonia bilang mga bihag ay kasali sa banal na talâng itong salinlahi, sa kadahilanang sila ay may isang di-tuwirang kaugnayan, yaon ay, sa pamamagitan ni Maria, ang ina ni Hesus, na asawang babae ng isa sa kanilang mga inapo.
12 2“Si Salatiel ay naging anak ni Jeconias at si Salatiel ang ama ni Zorobabel.” Ihambing ang talâng ito sa 1 Cron. 3:17-19, na nagsasabing, “ang mga anak na lalake ni Jeconias… si Salatiel… at si Pedaia… at ang mga anak na lalake ni Pedaia ay sina Zorobabel…,” ipinakikita na si Zorobabel ay anak ni Pedaia, ang kapatid ni Salatiel. Si Zorobabel ay hindi anak ni Salatiel, kundi kanyang pamangkin, na naging kanyang tagapagmana. Marahil ito ay isang kasong sang-ayon sa Deut. 25:5-6. Maging ang salitang yaon na nasa Deuteronomio ay iniugnay sa talaangkanan ni Kristo.
Si Zorobabel ay isa sa mga tagapanguna ng bumalik sa Herusalem mula sa pagkabihag sa Babilonia (Ezra 5:1-2). Siya rin ay isang tagapanguna sa pagtatayo ng templo ng Diyos (Zac. 4:7-10). Hinulaan ng Lumang Tipan na si Kristo, bilang inapo ni David, ay isisilang sa Betlehem (Mik. 5:2; Mat. 2:4-6). Kung walang pagbabalik mula sa pagkabihag, imposible para kay Kristo na maisilang sa Betlehem. Ang utos ng Diyos na bumalik ang mga bihag ay hindi lamang para sa muling pagtatayo ng templo ng Diyos, bagkus upang ihanda rin ang pagsilang ni Kristo sa Betlehem. Kailangan ni Kristo ang ilang tao na nasa wastong lugar upang dalhin Siya rito sa lupa sa unang pagkakataon. Para sa Kanyang ikalawang pagparito, kinakailangan din ni Kristo ang ilan sa Kanyang mga nabihag na tao na bumalik mula sa kanilang pagkabihag tungo sa wastong buhay-ekklesia.
16 1Ang talaangkanan dito ay nagsasabing “Si Jacob ang ama ni Jose,” subali’t sinasabi ng Luc. 3:23, “si Jose… ang anak ni Eli.” Ang talâ ni Lucas ay “ayon sa kautusan” (literal na pagsasalin ng “ayon sa sinasapantaha” sa Luc. 3:23), isinasaad na si Jose sa katunayan ay hindi anak ni Eli, kundi itinuring na kanyang anak ayon sa kautusan. Si Jose ay manugang na lalake ni Eli, ang ama ni Maria. Marahil ito ay isang kasong alinsunod sa Blg. 27:1-8 at 36:1-12, kung saan ay gumawa ng isang regulasyon ang Diyos na sinumang magulang ang may mga anak na babae lamang bilang tagapagmana, ang mana ay kailangang mapunta sa mga anak na babae; ang mga anak na babae sa gayon ay kinakailangang pakasal lamang sa isang lalakeng nagmumula sa kanilang sariling lipi upang ang kanilang mana ay manatili sa loob ng liping yaon. Maging ang gayong regulasyon sa Lumang Tipan ay iniugnay sa talaangkanan ni Kristo, ipinakikita na ang lahat ng Kasulatan ay isang talâ hinggil kay Kristo.
16 2Sa puntong ito, ang talâ ng angkanang ito ay hindi sinasabing, “si Jose ang ama ni Hesus,” katulad ng pagkakabanggit sa lahat ng naunang tao; sinasabi nitong, “Jose na asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Hesus.” Si Hesus ay isinilang ni Maria, hindi ni Jose, yayamang pinropesiya na si Kristo ang magiging binhi ng babae at isisilang ng isang birhen (Gen. 3:15; Isa. 7:14). Si Kristo ay hindi maaaring isilang ni Jose, sapagkat si Jose ay isang lalake at isang inapo ni Jeconias, na sa kaninong mga inapo ay walang magmamana sa trono ni David (Jer. 22:28-30). Gayunpaman, si Maria ay isang birhen at isang inapo ni David (Luc. 1:27, 31-32), ang wastong tao na kung kanino ay isinilang si Kristo. Ang pagpapakasal ni Jose kay Maria ay nagdala sa kanya sa loob ng isang relasyon kay Kristo at pinag-isa ang dalawang linya ng talaangkanan ni Kristo para sa pagluluwal kay Kristo, katulad ng ipinakita sa tsart sa kasunod na pahina.
Ipinakikita ng tsart na ito na ang salinlahi ni Hesu-Kristo ay nag-uumpisa sa Diyos at nagpapatuloy hanggang sa umabot ito kay Hesus. Ito ay nagsisimula sa Diyos hanggang kay Adam, at buhat kay Adam hanggang kay Abraham, buhat kay Abraham nagdaan kay Isaac at kay Jacob, at nagpatuloy hanggang kay David. Pagkatapos ni David, ito ay nahati tungo sa dalawang linya, ang una ay nagsimula kay Nathan hanggang kay Maria, at ang ikalawa ay buhat kay Salomon hanggang kay Jose. Sa katapus-tapusan, ang dalawang linyang ito ay pinagsama sa pamamagitan ng pagpapakasal ni Maria kay Jose upang mailabas si Hesu-Kristo. Sa ganitong paraan, si Kristo ang tila inapo ni Jeconias, na sa wari ay nasa linya ng maharlikang pamilya; sa katunayan, Siya ay hindi inapo ni Jeconias, ang ninuno ni Jose, kundi inapo ni David, ang ninuno ni Maria, upang Siya ay mapaging dapat na magmana sa trono ni David.
16 3Sa talâng ito binanggit ng talaangkanang ito ang apat na babae, kung hindi man mga nagsipag-asawang muli ay mga makasalanan. Bilang karagdagan, binabanggit nito ang isang malinis na birhen. Ito ay nagpapakita na ang lahat ng taong binanggit sa talaangkanang ito ay isinilang sa kasalanan, maliban kay Kristo, na isinilang sa kabanalan.
Sina Abraham, David, at Maria ay ang tatlong mahahalagang tao upang mailabas si Kristo. Si Abraham ay kumakatawan sa isang buhay sa pamamagitan ng pananampalataya, si David ay kumakatawan sa isang buhay na nasa ilalim ng pagtutuos ng krus, at si Maria ay kumakatawan sa isang buhay ng lubusang pagsuko sa Panginoon. Sa pamamagitan ng tatlong uri ng buhay na ito, si Kristo ay nailabas sa loob ng sangkatauhan.
16 4Ang “Kristo” ay binigyang-diin dito upang patunayan na si Hesus ang mismong Mesiyas, ang Kristo, na pinropesiya sa Lumang Tipan.
17 1Ang talaangkanang ito ay nahahati sa loob ng tatlong kapanahunan: 1) “mula kay Abraham hanggang kay David,” labing-apat na salinlahi, ang kapanahunan bago ang pagtatatag ng kaharian; 2) “mula kay David hanggang sa pagkakadalang-bihag sa Babilonia,” labing-apat na salinlahi, ang kapanahunan ng kaharian; 3) “mula sa pagkakadalang-bihag sa Babilonia hanggang kay Kristo,” labing-apat na salinlahi rin, ang kapanahunan pagkatapos ng pagbagsak ng kaharian. Ayon sa aktuwal na kasaysayan, may apatnapu’t limang salinlahi. Sa pamamagitan ng pagbawas ng tatlong isinumpang salinlahi at ng isang di-wastong salinlahi, at pagdaragdag ng isa sa pamamagitan ng pagkagawa kay David na dalawang salinlahi (ang isa, nang kapanahunan bago ang pagtatatag ng kaharian, at ang isa pa, nang kapanahunan ng kaharian), ang mga salinlahi ay naging apatnapu’t dalawa na nahahati sa tatlong kapanahunan na may tiglalabing-apat na salinlahi. Ang bilang na labing-apat ay binubuo ng sampu dagdagan ng apat. Isinasagisag ng apat ang mga nilikha (Apoc. 4:6). Isinasagisag ng sampu ang kakumpletuhan (25:1). Kaya nga, isinasagisag ng labing-apat ang mga nilikha sa kakumpletuhan. Ang tatlong ulit ng labing-apat na salinlahi ay nagsasaad na inihahalo ng Tres-unong Diyos ang Kanyang Sarili sa buong nilikha. Ang talaangkanang ito ay may tatlong yugto: ang yugto ng mga ama, ang yugto ng mga hari, at ang yugto ng mga sibilyan, kabilang ang mga nabihag at ang mga nabawi. Ang Diyos Ama ay tumutugma sa yugto ng mga ama, ang Diyos Anak ay tumutugma sa yugto ng mga hari, at ang Diyos Espiritu ay tumutugma sa yugto ng mga sibilyan. Ang salinlahi ni Kristo ay nagsasaad ng paghahalo ng Tres-unong Diyos sa Kanyang mga nilikhang tao.
Ang tatlo multiplikahin sa labing-apat ay apatnapu’t dalawa. Ang apatnapu ay ang bilang ng mga pagsubok, mga tukso, at mga pagdurusa (Heb. 3:9; Mat. 4:2; 1 Hari 19:8). Sinasagisag ng apatnapu’t dalawa ang kapahingahan at kasiyahan pagkatapos ng pagsubok. Ang mga anak ni Israel ay naglakbay sa apatnapu’t dalawang estasyon bago sila nakapasok sa loob ng mabuting lupa ng kapahingahan. Ang kapahingahan ng isang libong taong kaharian ay darating pagkatapos ng apatnapu’t dalawang buwan ng matinding kapighatian (Apoc. 13:5). Pagkatapos ng lahat ng salinlahi ng mga pagsubok, mga tukso, at mga pagdurusa, si Kristo ay dumating bilang ang ika-apatnapu’t dalawang salinlahi upang maging ating kapahingahan at kasiyahan.
17 2Si David ang wakas ng mga salinlahi ng mga ama at ang pasimula ng mga salinlahi ng mga hari. Siya ang isang taong ginamit ng Diyos bilang isang palatandaan upang kapwa wakasan ang yugto ng mga ama at pasimulan ang yugto ng mga hari.
17 3Sa panahon ng pagbaba, walang tao ang nagamit bilang isang palatandaan upang paghiwalayin ang mga salinlahi katulad ng ginawa ni Abraham at ni David. Kaya, ang “pagkakadalang-bihag” ang naging isang palatandaan, isang palatandaan ng kahihiyan.
17 4Ang talâ ni Lucas ay nagsisimula kay Hesus at tumatalunton pabalik sa Diyos. Ang talâ ni Mateo ay nagsisimula kay Abraham hanggang kay Kristo. Ang Lucas ay bumabalik at paakyat sa Diyos; ang Mateo ay sumusulong hanggang sa umabot kay Kristo. Ang lahat ng salinlahi ay patungo kay Kristo at nagluwal kay Kristo. Si Kristo ang hanggahan, ang kaganapan, ang konklusyon, ang kakumpletuhan, at ang kasakdalan ng lahat ng salinlahi, isinasakatuparan ang kanilang mga propesiya, nilulutas ang kanilang mga suliranin, at tinutugon ang kanilang mga pangangailangan. Kapag si Kristo ay dumarating, ang liwanag, buhay, kaligtasan, kasiyahan, pagpapagaling, kalayaan, kapahingahan, kaaliwan, kapayapaan, at kagalakan, lahat ay kasama Niyang dumarating. Mula sa puntong ito, ang buong Bagong Tipan ay isang ganap na pagpapaliwanag ng kagila-gilalas na Kristong ito, na Siyang lahat-lahat sa atin. Aleluya, si Kristo ay dumating na!
18 1Bagaman si Kristo ay ipinanganak ni Maria (b. 16), Siya ay isang “Anak ng Espiritu Santo.” Ang kapanganakan ni Kristo ay tuwirang mula sa Espiritu Santo (b. 20). Ang Kanyang pinagmulan ay ang Espiritu Santo, at ang Kanyang elemento ay dibino. Sa pamamagitan ng birheng Maria bilang isang kaparaanan, Kanyang isinuot ang laman at dugo, ang pantaong kalikasan, kinukuha ang “wangis ng laman” (Roma 8:3), “ang wangis ng mga tao” (Fil. 2:7).
18 2Gr. mula sa.
19 1Ang “isang matuwid na lalake” nang panahong yaon ay isang “lumalakad sa lahat ng utos at mga ordinansa ng Panginoon” (Luc. 1:6), yaon ay, namumuhay ayon sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng mga handog bilang pambayad-pinsala.
19 2Palayain siya.
20 1Ang Diyos, sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, ay ipinanganak muna sa loob ni Maria at naghintay hanggang ang pagdadalang-tao ay makumpleto, at taglay ang pagkatao ay ipinanganak upang maging ang Diyos-Tao na may dalawang kalikasan, ang kalikasan ng Diyos at kalikasan ng tao. Ito ang pinagmulan ni Kristo.
20 2Gr. mula sa.
21 1Ang “Hesus” ay ang Griyegong katumbas ng Hebreong salitang Josue (Blg. 13:16), na nangangahulugang Jehovah ang Tagapagligtas, o, ang kaligtasan ni Jehovah. Kaya nga, si Hesus ay hindi lamang isang tao, bagkus si Jehovah; at hindi lamang si Jehovah, bagkus si Jehovah na naging ating kaligtasan. Kaya nga, Siya ang ating Tagapagligtas. Siya rin ang ating Josue na nagdadala sa atin tungo sa kapahingahan (Heb. 4:8; Mat. 11:28-29); ang kapahingahang ito ay Siya Mismo bilang ang mabuting lupa para sa atin.
22 1Tumutukoy sa taong nagsasalita para sa Diyos, nagsasalita ng Diyos, at nagpopropesiya.
23 1Itong “Anak na lalake” ng “birhen” ay “ang binhi ng babae” na pinropesiya sa Gen. 3:15.
23 2Hesus ang pangalang ibinigay ng Diyos, samantalang ang “Emmanuel,” na nangangahulugang “sumasaatin ang Diyos,” ay ang pangalang itinawag ng tao. Ang Hesus na Tagapagligtas ay ang Diyos na sumasaatin. Ang Diyos ay Siya, at Siya ay ang Diyos na nagkatawang-tao upang manahan sa gitna natin (Juan 1:14). Siya ay hindi lamang Diyos, bagkus ay Diyos na sumasaatin.
23 3Si Kristo bilang ang mismong Emmanuel ay hindi lamang sumasaatin nang nandito pa sa lupa, bagkus ay sumasaatin din simula nang Kanyang pag-akyat sa langit, sa tuwinang tayo ay nagtitipun-tipon sa loob ng Kanyang pangalan (18:20). Higit pa rito, Siya ay sasaatin sa lahat ng araw hanggang sa pagkukumpleto ng kapanahunan (28:20).
25 1Ang kapanganakan ni Kristo ay makapangyarihang isinaayos at tinupad ng Diyos. Sa pamamagitan ng makapangyarihang pagsasaayos ng Diyos, ang mga ninuno nina Jose at Maria, sa ilalim ng pamumuno ng kanilang ninunong si Zorobabel, ay nadalang pabalik sa lupain ng Judea mula sa kanilang pagkabihag sa Babilonia (b. 12; Ezra 5:1-2). Sa pamamagitan ng makapangyarihang pagsasaayos ng Diyos, si Maria at si Jose ay napatira sa parehong lunsod ng Nazaret (Luc. 1:26; 2:4). Higit pa sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang pagsasaayos, ay pinagsama si Jose at si Maria upang maging mag-asawa nang sa gayon ay mailabas si Kristo upang maging ang legal na tagapagmana sa trono ni David.