Juan
KAPITULO 13
E. Ang Paghuhugas ng Buhay sa loob ng Pag-ibig
upang Mapanatili ang Pagsasalamuha
13:1-38
1. Ang Paghuhugas na Isinagawa ng Panginoon Mismo
bb. 1-11
1 1Bago nga ang kapistahan ng Paskua, si Hesus, sa pagkakaalam na dumating na ang Kanyang oras ng paglisan sa sanlibutang ito tungo sa Ama, sa pagkaibig sa mga sa Kanya na nangasasanlibutan, Kanyang inibig sila hanggang sa katapusan.
2 At habang naghahapunan, nang mailagay na ng Diyablo sa puso ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na kanyang ipagkakanulo Siya,
3 Si Hesus, sa pagkakatalastas na ibinigay na ng Ama ang lahat ng bagay sa Kanyang mga kamay, at yaong Siya ay nanggaling sa Diyos, at sa Diyos din paroroon,
4 Ay tumindig sa paghahapunan, at 1itinabi ang Kanyang mga damit; at pagkakuha ng isang 2tuwalya, 3binigkisan Niya ang Kanyang Sarili.
5 Nang magkagayon ay nagsalin Siya ng 1tubig sa palanggana, at pinasimulang 2hugasan ang 3mga paa ng mga disipulo, at punasan ng tuwalya na nakabigkis sa Kanya.
6 Sa gayon ay lumapit Siya kay Simon Pedro. Sinabi niya sa Kanya, Panginoon, huhugasan Mo ba ang aking mga paa?
7 Sumagot si Hesus at sa kanya ay nagsabi, Ang ginagawa Ko ay hindi mo 1nauunawaan ngayon, datapuwa’t 1malalaman mo pagkatapos ng mga bagay na ito.
8 Sinabi sa Kanya ni Pedro, Hindi Mo kailanman mahuhugasan ang aking mga paa. Sinagot siya ni Hesus, Kung hindi kita mahuhugasan, hindi ka magkakaroon ng bahagi sa Akin.
9 Sinabi sa Kanya ni Simon Pedro, Panginoon, hindi lamang ang aking mga paa, bagkus pati na ang aking mga kamay at aking ulo.
10 Sinabi sa kanya ni Hesus, Ang 1napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan pa, maliban sa kanyang mga paa, sapagka’t malinis nang lubos; at kayo ay malilinis na, nguni’t hindi lahat.
11 Sapagka’t nalalaman Niya ang sa Kanya ay magkakanulo; kaya’t sinabi Niya, Hindi kayong lahat ay malilinis.
2. Ang Paghuhugas sa Isa’t isa ng mga Mananampalataya
bb. 12-17
12 Kaya’t nang mahugasan Niya ang kanilang mga paa, at makuha ang Kanyang mga damit at muling humilig sa dulang, sinabi Niya sa kanila, Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa Ko sa inyo?
13 Tinatawag ninyo Akong Guro at Panginoon, at wasto ang inyong pagkakasabi, sapagka’t Ako nga.
14 Kung Ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa’t isa.
15 Sapagka’t kayo ay binigyan Ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ang ayon sa ginagawa Ko sa inyo.
16 Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ang isang alipin ay hindi dakila kaysa sa kanyang panginoon, ni ang 1isa man na isinugo ay dakila kaysa nagsugo sa kanya.
17 Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay pinagpala kung inyong gagawin ang mga ito.
3. Nahugasan, Nguni’t Wala sa loob ng Pagsasalamuha
bb. 18-30
18 Hindi Ako nagsasalita tungkol sa inyong lahat; sapagka’t nalalaman Ko ang Aking mga hinirang; nguni’t upang matupad ang Kasulatan, Siya na kasama Kong 1kumakain ng tinapay ay nagtaas na ng kanyang sakong laban sa Akin.
19 Mula ngayon ay sinasabi Ko sa inyo bago pa mangyari, upang, kapag nangyari ito, kayo ay magsisampalataya na 1Ako Nga.
20 Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ang tumatanggap sa sinumang isinusugo Ko ay Ako ang tinatanggap, at ang tumatanggap sa Akin ay tinatanggap Siya na nagsugo sa Akin.
21 Nang masabing gayon ni Hesus, Siya ay nagulumihanan sa espiritu at nagpatotoo at nagsabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, na Ako ay ipagkakanulo ng isa sa inyo.
22 Ang mga disipulo nga ay nagtinginan sa isa’t isa, na di-mawari kung sino ang Kanyang tinutukoy.
23 Ang isa nga sa mga alagad, na minamahal ni Hesus, ay nakahilig sa dibdib ni Hesus.
24 Tinanguan nga siya ni Simon Pedro at sinabi sa kanya, Sabihin mo sa amin kung sino ang tinutukoy Niya.
25 Ang nakahilig nga sa dibdib ni Hesus ay nagsabi sa Kanya, Panginoon, sino yaon?
26 Sumagot nga si Hesus, Yaong Aking ipagsasawsaw at bibigyan ng tinapay ay siya nga. Kaya’t nang maisawsaw Niya ang tinapay, kinuha Niya at ibinigay Niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote.
27 At pagkatapos maisubo, si Satanas nga ay pumasok sa kanya. Sinabi nga sa kanya ni Hesus, Ang ginagawa mo ay gawin mong madali.
28 Datapuwa’t wala sa mga yaong nakahilig sa dulang ang nakatalastas kung sa anong kadahilanan Niya sinalita ito sa kanya.
29 Sapagka’t iniisip ng ilan, yamang si Judas ang may tangan ng supot ng salapi, kaya sinasabi ni Hesus sa kanya, Bumili ka ng mga bagay na kakailanganin natin sa kapistahan; o, magbigay siya ng anuman sa mga dukha.
30 Pagkatanggap ng tinapay, umalis siya kaagad; at noon ay gabi na.
4. Nahugasan at Kusang Nagnais na Manatili
sa Pagsasalamuha, Nguni’t Hindi Nagtagumpay
bb. 31-38
31 Nang Siya nga ay makalabas na, sinabi ni Hesus, Ngayon ay 1naluluwalhati ang Anak ng Tao, at ang Diyos ay 2naluluwalhati sa Kanya.
32 1Kung ang Diyos ay 2naluluwalhati sa Kanya, 3luluwalhatiin din Siya ng Diyos sa Kanyang Sarili, at kapagdaka ay Kanyang 3luluwalhatiin Siya.
33 Mumunting mga anak, Ako ay makakasama pa ninyo ng kaunting panahon. Hahanapin ninyo Ako, at gaya ng sinabi Ko sa mga Hudyo, Sa paroroonan Ko, hindi kayo makaparoroon, gayundin naman ang sinasabi Ko sa inyo ngayon.
34 Isang bagong 1utos ang sa inyo ay ibinibigay Ko, na kayo ay mangag-ibigan sa isa’t isa, na kung paanong inibig Ko kayo, mangag-ibigan naman kayo sa isa’t isa.
35 Sa ganito ay mangakikilala ng lahat ng tao na kayo ay Aking mga disipulo, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.
36 Sinabi sa Kanya ni Simon Pedro, Panginoon, saan Ka paroroon? Sumagot si Hesus, Sa paroroonan Ko ay hindi ka makasusunod sa Akin ngayon, nguni’t pagkatapos ay makasusunod ka.
37 Sinabi sa Kanya ni Pedro, Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa Iyo ngayon? Ang aking 1buhay ay ibibigay ko dahil sa Iyo.
38 Sumagot si Hesus, Ang 1buhay mo ba ay iyong ibibigay dahil sa Akin? Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa iyo, hindi titilaok ang manok hanggang ikaila mo Akong makatlo.