Lucas
KAPITULO 20
D. Nagdaraan sa mga Huling Pagsisiyasat
20:1-21:4
1. Ang Pagsisiyasat ng mga Pangulong Saserdote, mga Eskriba
at mga Matanda
20:1-19
1 At nangyari sa isa sa mga araw na yaon, samantalang 1Siya ay nagtuturo sa mga tao sa loob ng templo at ipinangangaral ang mabuting balita, na nagsilapit ang mga pangulong saserdote at mga eskriba pati na ang mga matanda sa Kanya,
2 At nangagsalita, na nagsasabi sa Kanya, Sabihin Mo sa amin kung sa anong awtoridad Mo ginagawa ang mga bagay na ito, o sino ang nagbigay sa Iyo ng awtoridad na ito?
3 At Siya ay sumagot at nagsabi sa kanila, Tatanungin Ko rin naman kayo ng isang bagay, at sabihin ninyo sa Akin:
4 Ang bautismo ni Juan, yaon ba ay mula sa langit o sa mga tao?
5 At sila-sila ay nagsisipagtalo na nagsasabi, Kung sasabihin natin, Mula sa langit, sasabihin Niya, Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?
6 Nguni’t kung sasabihin natin, Mula sa mga tao, babatuhin tayo ng lahat ng tao, sapagka’t sila ay naniniwala na si Juan ay isang propeta.
7 At sila ay nagsisagot, Hindi namin alam kung saan nagmula yaon.
8 At sinabi sa kanila ni Hesus, 1Hindi Ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad Ko ginagawa ang mga bagay na ito.
9 1At Siya ay nagsimulang magsabi sa mga tao ng talinghagang ito: Isang tao ang nagtanim ng ubasan at ipinagkatiwala ito sa mga tagapangalaga ng ubasan at nagpunta sa ibang lupain nang mahabang panahon.
10 At sa kapanahunan siya ay nagsugo ng isang alipin sa mga tagapangalaga ng ubasan, upang kanilang bigyan siya ng ilan sa mga bunga ng ubasan; subali’t binugbog siya ng mga tagapangalaga ng ubasan at pinauwi siyang walang dala.
11 At sa karagdagan pa, siya ay nagsugo ng ibang alipin, subali’t kanila ring binugbog ang isang yaon, at hiniya siya, at pinauwing walang dala.
12 At sa karagdagan pa, siya ay nagsugo ng ikatlo; subali’t ang isa ring ito ay kanilang sinugatan at pinalayas.
13 At sinabi ng panginoon ng ubasan, Ano ang gagawin ko? Isusugo ko ang aking anak, ang minamahal; 1dapat kong isipin na kanilang igagalang ang isang ito.
14 Datapuwa’t nang nakita siya ng mga tagapangalaga ng ubasan, sila ay nangatuwiranan sa isa’t isa, na nagsasabi, Ito ang tagapagmana; atin siyang patayin, upang ang mana ay maging atin.
15 At siya ay kanilang itinaboy mula sa ubasan at pinatay. Kung gayon, ano ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?
16 Paroroon siya at papatayin ang mga tagapangalaga ng ubasang ito, at ibibigay ang ubasan sa iba. At nang kanilang marinig ito, sinabi nila, Huwag nawang mangyari ito!
17 Subali’t Siya ay tumingin sa kanila, at nagsabi, Ano nga ba itong nasusulat, Ang batong itinakwil ng mga nangagtatayo ng gusali, ito ay naging pangulo sa panulok?
18 Ang bawa’t nahuhulog sa ibabaw ng batong yaon ay madudurog; datapuwa’t ang sinumang nalalagpakan nito ay dudurugin siya nito at ikakalat gaya ng ipa.
19 At ang mga eskriba at ang mga pangulong saserdote ay nagsikap na hulihin Siya sa oras ding yaon; at kanilang kinatakutan ang mga tao, sapagka’t alam nila na Kanyang sinalita ang talinghagang ito hinggil sa kanila.
2. Ang Pagsisiyasat ng mga Fariseo at mga Herodiano
20:20-26
20 1At kanilang minatyagan Siyang mabuti at isinugo ang mga tiktik, na nangagkukunwaring matuwid, upang sila ay makahuli sa ilang salita Niya, nang sa gayon ay maibigay Siya sa pamamahala at awtoridad ng gobernador.
21 At kanilang tinanong Siya, na nagsasabi, Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasalita at nagtuturo nang wasto, 1at hindi nagtatangi ng tao, kundi nagtuturo ng daan ng Diyos sa katotohanan.
22 Matuwid ba para sa amin na magbayad ng buwis kay Cesar, o hindi?
23 Datapuwa’t isinasaalang-alang ang kanilang katusuhan, Kanyang sinabi sa kanila,
24 Ipakita ninyo sa Akin ang isang denario. Kaninong larawan at inskripsiyon mayroon ito? At kanilang sinabi, kay Cesar.
25 At Kanyang sinabi sa kanila, Kung gayon ay ibigay ninyo ang mga bagay ni Cesar kay Cesar, at ang mga bagay ng Diyos sa Diyos.
26 1At sila ay hindi nakahuli sa Kanyang mga pananalita sa harap ng mga tao; at nanganggigilalas sa Kanyang sagot, sila ay nanatiling tahimik.
3.Ang Pagsisiyasat ng mga Saduceo
20:27-38
27 1At ilan sa mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-na-muli, ay lumapit sa Kanya at nagtanong sa Kanya,
28 Na nagsasabi, Guro, isinulat ni Moises sa amin, Kung ang sinumang kapatid na lalake ay mamatay na may asawa, at ang isang ito ay walang anak, dapat kunin ng kanyang kapatid ang asawa at bigyan ng binhi ang kanyang kapatid.
29 Mayroon ngang pitong lalakeng magkakapatid; at ang una ay nag-asawa at namatay na walang anak;
30 At ang pangalawa1;
31 At ang pangatlo ay nag-asawa sa balo; at gayundin naman ang pito ay hindi nag-iwan ng mga anak at namatay.
32 Pagkatapos ang babae ay namatay rin.
33 Samakatuwid sa pagkabuhay-na-muli, sino sa kanila ang magiging asawa ng babaeng yaon, dahil sa siya ay naging asawa ng pito?
34 At sinabi sa kanila ni Hesus, Ang mga anak ng kapanahunang ito ay nagsisipag-asawa at pinapag-aasawa,
35 Datapuwa’t ang mga inaaring karapat-dapat magkamit ng 1kapanahunang yaon at ng pagkabuhay-na-muli mula sa mga patay ay hindi mangag-aasawa ni papag-aasawahin;
36 Sapagka’t hindi na sila maaaring mangamatay pa, sapagka’t kahalintulad na sila ng mga anghel, at sila ay mga anak ng Diyos, palibhasa ay mga anak ng pagkabuhay-na-muli.
37 Datapuwa’t ang patay ay ibinabangon, maging si Moises ay nagpahayag nito hinggil sa matinik na mababang punong-kahoy, nang tinatawag niya ang Panginoon na Diyos ni Abraham, at Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.
38 Ngayon Siya nga ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buhay; sapagka’t sa Kanya ang lahat ay nangabubuhay.
4. Binubusalan ang Bibig ng Lahat ng mga Tagapagsiyasat
20:39-44
39 At ang ilan sa mga eskriba ay sumagot at nangagsabi, Guro, mabuti ang pagkasabi mo.
40 Sapagka’t 1hindi nga sila nangahas na magtanong pa sa Kanya ng tungkol sa ano pa man.
41 1At Kanyang sinabi sa kanila, Paano nila masasabi na ang Kristo ay Anak ni David?
42 Sapagka’t si David mismo ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, Maupo Ka sa Aking kanan,
43 Hanggang sa ilagay Ko ang Iyong mga kaaway bilang tuntungan ng Iyong mga paa.
44 Samakatuwid tinatawag Siyang Panginoon ni David, at paanong Siya ay anak niya? 1
5. Nagbababala na Mag-ingat sa mga Eskriba
20:45-47
45 At habang ang lahat ng tao ay nakikinig, sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo,
46 1Mangag-ingat kayo sa mga eskriba, na ibig magsilakad na may mahahabang damit, at iniibig ang mga pagpupugay sa mga pamilihan, at mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at mga lugar na pandangal sa mga pigingan,
47 Na nilalamon ang mga bahay ng babaeng balo, at sa 1pagkukunwari ay nananalangin nang mahaba. Ang mga ito ay tatanggap ng lalong maraming 2kahatulan.