Roma
KAPITULO 15
5. Ayon kay Kristo
15:1-13
1 Tayo ngang malalakas ay nararapat magbata ng mga kahinaan ng mahihina, at huwag mangagbigay-lugod sa ating mga sarili.
2 Bawa’t isa sa atin ay magbigay-lugod sa kanyang kapwa sa kanilang ikabubuti sa ikatatayo.
3 Sapagka’t si Kristo man ay hindi nagbigay-lugod sa Kanyang Sarili, kundi gaya ng nasusulat, Ang mga pag-aalipusta ng mga nagsisialipusta sa Iyo ay nangahulog sa Akin.
4 Sapagka’t ang anumang bagay na isinulat nang una ay nangasulat para sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at 1pagpapalakas-loob ng mga Kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pag-asa.
5 Loobin nawa ng Diyos ng pagtitiis at pagpapalakas-loob na magkaisa kayo ng kaisipan sa isa’t isa ayon kay 1Kristo Hesus,
6 Upang luwalhatiin ninyo nang may 1isang puso’t kaisipan sa pamamagitan ng isang bibig ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesu-Kristo.
7 Sa ganito ay mangagtanggapan kayo, gaya naman ni 1Kristo na tumanggap sa atin sa ikaluluwalhati ng Diyos.
8 Sapagka’t sinasabi ko na si Kristo ay naging 1tagapaglingkod ng mga sa pagtutuli para sa 2pagkamakatotohanan ng Diyos, upang mapagtibay ang mga pangakong ibinigay sa mga magulang,
9 At upang maluwalhati ng mga Hentil ang Diyos dahil sa Kanyang awa, gaya ng nasusulat, Kaya nga, Ikaw ay aking ipahahayag sa gitna ng mga Hentil at aawit ako ng papuri sa Iyong pangalan.
10 At muling sinasabi niya, Magalak kayo, mga Hentil, kasama ng Kanyang bayan.
11 At muli, Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga bansa, at ang lahat ng tao ay magpuri sa Kanya.
12 At muli, sinasabi ni Isaias, Darating ang ugat ni Jesse, at Siya ay lilitaw upang maghari sa mga Hentil; 1sa Kanya magsisiasa ang mga Hentil.
13 Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa nang buong kagalakan at kapayapaan sa pagsampalataya, upang kayo ay managana sa pag-asa sa loob ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
VIII. Konklusyon-
Ang Kaganapan ng Ebanghelyo
15:14-16:27
A. Ang mga Hentil na Inihandog
15:14-24
14 At ako naman sa aking sarili ay naniniwalang lubos tungkol sa inyo, mga kapatid, na kayo rin naman ay puno ng kabutihan, puspos ng lahat ng kaalaman, na anupa’t nakapagpapaalalahanan naman kayo sa isa’t isa.
15 Nguni’t sinulatan ko kayo nang may kalakasang-loob tungkol sa ilang bagay upang paalalahanan kayo dahil sa biyaya na sa akin ay ibinigay ng Diyos
16 Upang ako ay maging isang 1ministro ni Kristo Hesus sa mga Hentil, naghahain bilang isang 2saserdote ng ebanghelyo ng Diyos, upang ang mga Hentil ay maging katanggap-tanggap na handog, palibhasa ay pinapaging-banal sa loob ng Espiritu Santo.
17 Mayroon nga akong 1ipinagmamapuri sa loob ni Kristo Hesus sa mga bagay na nauukol sa Diyos.
18 Sapagka’t hindi ako mangangahas magsalita ng anumang bagay, na hindi ginawa ni Kristo sa pamamagitan ko tungo, sa pagtalima ng mga Hentil, sa salita at sa gawa,
19 Sa kapangyarihan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa loob ng kapangyarihan ng Espiritu; anupa’t buhat sa Herusalem, at sa palibut-libot hanggang sa 1Ilirico, aking 2di-pinahayag nang lubos ang ebanghelyo ni Kristo.
20 1Masidhi kong ninasang maipahayag ang ebanghelyo, hindi roon sa kilala na si Kristo, upang huwag akong magtayo sa ibabaw ng pundasyon ng iba;
21 Kundi gaya ng nasusulat, Makakikita silang mga hindi dinatnan ng mga balita tungkol sa Kanya, at silang mga hindi nangakapakinig ay mangakatatalastas.
22 Kaya’t madalas naman akong mahadlangan sa pagpariyan sa inyo.
23 Datapuwa’t ngayon, na wala nang lugar sa mga lupaing ito, at malaon nang panahong ako ay may nasang pumariyan sa inyo,
24 Pagparoon ko sa 1Espanya ay paririyan ako sapagka’t inaasahan kong makita kayo sa aking paglalakbay, at ako ay sasamahan ninyo patungo roon, pagkatapos magkamit ng kaunting kasiyahan sa pakikisama sa inyo.
B. Ang Pagsasalamuha ng mga Banal na Hentil at Hudyo
15:25-33
25 Nguni’t ngayon, ako ay pasasa Herusalem upang 1maglingkod sa mga banal.
26 Sapagka’t ikinalugod ng Macedonia at ng Acaya na gumawa ng isang 1ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Herusalem.
27 Oo, ito ay kalugud-lugod sa kanila, at sila ay may utang na loob sa kanila. Sapagka’t kung ang mga Hentil ay nakabahagi sa kanilang mga espirituwal na bagay, nararapat naman nilang 1paglingkuran sila sa mga materyal na bagay.
28 Kung naganap ko na nga ito, at naitatak ko na sa kanila ang bungang ito, magdaraan ako sa inyo patungong Espanya.
29 At nalalaman ko na pagpariyan ko sa inyo, darating akong 1puspos ng pagpapala ni Kristo.
30 Ngayon ay ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu-Kristo, at sa pag-ibig ng Espiritu, na kayo ay magsikap na kasama ko sa inyong mga panalangin sa Diyos patungkol sa akin,
31 Upang ako ay maligtas sa mga hindi nagsisisampalataya na nangasa Judea, at nang ang aking 1paglilingkod para sa Herusalem ay maging katanggap-tanggap sa mga banal,
32 Upang sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ako ay makarating sa inyo na may kagalakan, at ako ay mapanariwa at makapamahinga kasama ninyo.
33 Ngayon ang Diyos ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Amen.