KAPITULO 7
1 1
Ang ikalimang suliranin sa Sulat na ito ay tinutuos dito ang bagay ukol sa pag-aasawa. Ito ay tinutuos ayon sa mga prinsipyong itinatag sa naunang bahagi (6:12-20).
5 1Lit. magkaroon ng panahon, maging malaya; ang maibigay ang sarili. Ang panalangin ay humihiling na tayo ay maging malaya sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay. Ang panalangin na humihiling ng pansamantalang paglayo sa asawa ay natatangi at mabigat.
5 2Ang manunukso, si Satanas, ay gumagapang upang bihagin ang mga mananampalataya.
5 3O, kapusukan. Ang gayunding salitang Griyego ay isinaling pagpapakalayaw-sa-sarili sa Mat. 23:25.
6 1Ito ay nagpapahiwatig na ang apostol sa kanyang pagtuturo ay may awtoridad na magbigay ng mga pag-uutos sa mga mananampalataya.
7 1Yamang ang apostol ay napakaganap para sa Panginoon at sa Kanyang ekonomiya, hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging katulad niya na hindi nag-asawa (b. 8) upang sila ay maging ganap din para sa kapakanan ng Panginoon nang walang anumang hadlang (b. 33).Sa paghahangad na ito, ipinahahayag niya ang naisin ng Panginoon hinggil sa Kanyang mga tinawag.
7 2Para sa isang mananampalataya ni Kristo na hindi makapag-asawa ay isang kaloob mula sa Diyos (Mat. 19:10-12). Ang sinumang hindi nakatanggap ng ganitong kaloob ay higit na makabubuting mag-asawa (b. 9).
8 1Ito ang hangarin at kuru-kuro ng apostol sa kanyang naunang ministeryo (bb. 7, 25, 40).Sa huli, nang masaksihan ang tunay na kinalabasan, inatasan niya ang mga batang biyuda na mag-asawa (1 Tim. 5:11-15 at tala 14 1 doon).
9 1O, pagkamahinahon. Ang gayunding salitang Griyego ay ginamit sa 9:25 ng mga manlalaro na nagpipigil mula sa mga kalayawan ng katawan habang naghahanda para sa mga laro.
10 1Ang prinsipyo ng Lumang Tipan ukol sa pagsasalita para sa Diyos (pagpopropesiya) ay “Gayon ang sinasabi ng Panginoon” (Isa. 10:24; 50:1; Jer. 2:2; Ezek. 2:4).Subali’t ang prinsipyo ng pagkakatawang-tao sa Bagong Tipan ay, “Aking (ang tagapagsalita) ipinag-uutos.” Ang tagapagsalita at ang Panginoon ay magkaisa. Kaya, sinasabi rin niya, “hindi ako kundi ang Panginoon.” Ang salitang Griyego na “ipinag-uutos” ay maisalin ding ipinagtatagubilin o iniaatas.
10 2Ito ay nagpapakita ng dalawang bagay: 1) ang apostol ay kaisa ng Panginoon; kaya, ang kanyang iniuutos, ay ang iniuutos ng Panginoon; 2) ang kanyang mga pag-uutos ay ang mga pag-uutos ng Panginoon. Iniutos ng Panginoon sa Mat. 5:31-32 at 19:3-9 ang ipinag-uutos ni Pablo rito. Ang paghihiwalay o diborsiyo ay lubusang hindi pinahihintulutan ng Panginoon.
11 1Maging hiwalay o diborsiyado ang isang tao, siya ay dapat na manatiling hindi nag-aasawa, bagkus ay umaasa at naghihintay ng pagkakasundo.
12 1Muli ito ay nababatay sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao sa Bagong Tipan. Bagama’t kasunod niyang sinasabi na “hindi ang Panginoon,” anuman ang kanyang sinasabi sa mga sumusunod na bersikulo ay bahagi ng dibinong pahayag ng Bagong Tipan. Ito ay ang kanyang kuru-kuro sa loob ng Panginoon, hindi ang pag-uutos ng Panginoon, gayunpaman ito ay naghahayag pa rin ng kaisipan ng Panginoon.
14 1Ang mapabanal ay ang magawang banal, maihiwalay tungo sa Diyos para sa Kanyang layunin. Sapagka’t ang nananampalatayang asawang babae ay sa Panginoon at para sa Panginoon, ang hindi nananampalatayang asawang lalake ay nagawang banal, naihiwalay, naibukod tungo sa Diyos, dahil sa siya ay para sa kanyang asawa na ukol at para sa Diyos. Ito ay katulad ng templo at ng dambana na nagpapabanal sa mga karaniwang bagay kapag ang mga bagay na yaon ay naiugnay na sa mga ito (Mat. 23:17, 19). Ang parehong prinsipyo ay ginagamit sa mga di-mananampalatayang asawang babae at mga anak. Ang mapabanal sa ganitong paraan ay hindi nangangahulugang ang taong yaon ay ligtas, katulad ng kung paanong ang pagpapabanal sa pagkain sa pamamagitan ng panalangin ng mga banal ay walang kinalaman sa kaligtasan (1 Tim. 4:5). Ang naligtas na tao ay taong pinabanal at banal. Ang sinumang nakaugpong sa kanya o para sa kanya ay mapababanal nang dahil sa kanya.
15 1Lit. hindi naaalipin. Hindi napasasailalim sa pagkagapos, kundi napalaya sa tali ng pag-aasawa ang isang mananampalataya sa isang di-mananampalataya, kapag iniwanan ng di-mananampalataya ang mananampalataya.
15 2Tinawag tayo ng Diyos sa Kanyang pagliligtas tungo sa Kanya sa kinasasakupan at elemento ng kapayapaan. Kaya, tayo ay dapat na mamuhay sa ganitong kapayapaan. Kung ang kabiyak na di-mananampalataya ay magnais na lumisan, dapat natin siyang pahintulutan. Ito ay upang tayo ay makapamuhay sa kapayapaan kung saan tayo ay tinawag ng Diyos.Hindi ibig ng Diyos na tayo ay magsimula ng paggawa ng anumang ikahihiwalay habang ang kabilang panig ay sumasang-ayon na manatili (b. 13). Ang mga sumusunod na bersikulo (hanggang b. 24) ay batay rito, na tayo ay tinawag ng Diyos sa kapayapaan.
16 1Ang “sapagka’t” ay nagpapakita na ang mga bersikulo 16-24 ay isang pagpapaliwanag ng naunang salita, na tinawag tayo ng Diyos sa kapayapaan. Upang manatili sa kapayapaang ito, kinakailangan nating tuparin ang salita sa mga bersikulo 16-24.
16 2Yamang hindi natin nalalaman kung maliligtas ang ating di-mananampalatayang asawang lalake o babae, hindi natin dapat igiit na sila ay manatili sa atin o sila ay lumisan. Nais ng Diyos na tayo ay mamalagi sa katayuan kung saan Niya tayo tinawag (bb. 20, 24), hindi ang mag-umpisa ng anumang pagbabago. Samakatuwid, dapat nating iwanan ang buong bagay sa di-nananampalatayang panig.
17 1Ang salitang ito ay malakas na nag-aatas sa atin na manatili sa kalagayang may-asawa na kung saan tayo ay tinawag ng Diyos (bb. 20, 24).
19 1Kapwa ang pagtutuli at di-pagtutuli ay mga panlabas na bagay at hindi mahalaga sa katunayan; tanging ang pagtupad sa mga utos ng Diyos ang pinakikinabangan (Gal. 5:6; 6:15; Rom. 2:25-29).
21 1Huwag pansinin ito, huwag kayong mabagabag nito. Ang mananampalataya ay may Panginoon bilang kanyang sapat na biyaya (II Cor. 12:9) kaya hindi na dapat mabagabag ng anumang bagay.
21 2Ang “bagkus” dito ay nagdurugtong sa “Huwag kang mag-alaala” at “gamitin ito sa halip”. Ito ay nangangahulugang ang isang aliping tinawag ng Panginoon ay hindi dapat mag-alaala sa kanyang pagkaalipin, bagkus ay gamitin ito, yaon ay, ang manatili rito na kasama ang Diyos (b. 24) para sa kaluwalhatian ng Diyos. Kahit na siya ay maaring maging malaya, mamatamisin pa niyang manatili sa kanyang pagka-alipin. Ito ay tumutugma sa pangunahing kaisipan ng pagtatagubilin ng apostol, katulad ng maliwanag na paghahayag sa mga bersikulo 20 at 24. Gayunpaman ang huling bahagi ng bersikulo ay maaring isalin na “kung ikaw ay magiging malaya, gamitin mo rin ang kalayaang ito.” Ang binibigyang-diin ng apostol sa seksiyong ito ng Kasulatan ay: hindi dapat maimpluwensiyahan ang isang mananampalataya ng kanyang katayuan sa panlabas. Kung siya man ay manatili sa pagkaalipin o mapalaya ay pawang mainam basta kasama niya ang Diyos.
22 1Ang pagtawag ng Panginoon ay hindi nagpapabago sa panlabas na katayuan ng Kanyang mga mananampalataya, subali’t ito ay nagpapabago sa kanilang panloob na realidad; ang isang alipin sa panlabas ay napababago tungo sa pagiging isang malayang tao sa panloob; ang isang malayang tao sa panlabas ay napababago tungo sa pagiging isang alipin sa panloob.
23 1Tingnan ang tala 20 1 sa kap. 6.
23 2Sa panloob ang mga mananampalataya ay dapat na maging mga alipin lamang ni Kristo, hindi sila dapat maging mga alipin ng mga tao.
24 1Pagkatapos na matawag, ang mga mananampalataya ay hindi na kinakailangang magbago ng kanilang panlabas na katayuan, subali’t kinakailangan nilang magkaroon ng pagbabago sa kanilang panloob na kalagayan, yaon ay, mula sa pagiging walang Diyos tungo sa pagiging may Diyos, upang maging kaisa ng Diyos at taglayin ang Diyos kasama nila sa kanilang kalagayan anuman ito.
25 1Ang isang asawang babae ay hindi dapat na maihiwalay sa kanyang asawa. Sinasabi ng apostol na ito ay utos ng Panginoon (b. 10). Subali’t hinggil sa hindi pag-aasawa ng mga birhen, siya ay nagsasabi na wala siyang utos ng Panginoon, subali’t siya ay nagbibigay ng kanyang kuru-kuro sa mga sumusunod na bersikulo. Siya ay nangangahas na gawin ito dahil siya ay nakatanggap ng awa sa Panginoon upang maging tapat para sa kapakanan ng Panginoon, at siya ay tunay na kaisa ng Panginoon. Ang kanyang kuru-kuro ay nagpapahayag ng naisin ng Panginoon. Ito ay muling nababatay sa prinsipyo ng pagiging-laman-ng-Salita sa Bagong Tipan.
26 1Ang salitang Griyego para sa “kasalukuyan” ay maaaring mangahulugang ang pagkakaroon ng ilang bagay ay nagbababala at nagsisimula ng isang bagay na darating. Ang kasalukuyang pangangailangan o kahirapan ay nagsasaad ng higit pang hapis na darating, gaya ng ipinropesiya ng Panginoon sa Mat. 24:8, 19, 21.
26 2O, kagipitan, limitasyon; kaya, kahirapan, kahapisan. Ito ay tumutukoy sa pangangailangan ng buhay sa kasalukuyang panahon, ang pangangailangan na pumipilit at gumigipit sa mga tao at nagiging kahirapan at kahapisan sa kanila. Tingnan ang tala 10 3 sa II Corinto 12.
28 1Tumutukoy sa lalake.
29 1Ang kaisipang ito ng apostol na ang kanyang panahon ay pinaikli ay dahil sa katotohanang ang mahabang panahon sa pagitan ng huling bahagi ng unang siglo at ang ikalawang pagdating ni Kristo ay hindi inihayag sa mga naunang apostol (Mat. 24:36). Inasahan nilang ang Panginoon ay magbabalik sa kanilang henerasyon.
33 1Lit. nahahati. Ang isang lalake na nagbibigay-lugod sa kanyang asawa ay naaabala, nahahati mula sa mga bagay ng Panginoon (b. 35).
35 1Yaon ay, siluin sa isang patibong, pilitin kayong sundin ang aking salita.
39 1Lit. natulog.
40 1Tingnan ang tala 8 1 .
40 2Sa bersikulo 10 sinasabi ng apostol, “aking ipinag-uutos, nguni’t hindi ako kundi ang Panginoon.” Sa bersikulo 12 kanyang sinasabi, “ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon.” Sa bersikulo 25 kanyang sinasabi, “wala akong utos ng Panginoon, nguni’t ibinibigay ko ang aking kuru-kuro.” Dito kanyang sinasabi, “ayon sa aking kuru-kuro; subali’t iniisip ko na ako ay may Espiritu rin naman ng Diyos.” Ang lahat ng salitang ito ay nagpapakita ng prinsipyo ng pagiging-laman-ng-Salita (yaon ay, ang Diyos at tao, ang tao at ang Diyos ay magkaisa) sa Bagong Tipan. Ito ay lubusang naiiba sa prinsipyo ng pagpopropesiya (pagsasalita para sa Diyos) sa Lumang Tipan. Sa Lumang Tipan ang salita ni Jehovah ay dumadapo sa isang propeta (Jer. 1:2; Ezek. 1:3), ang propeta ay bibig lamang ng Diyos. Subalit sa Bagong Tipan ang Panginoon ay naging kaisa ng Kanyang mga apostol, at sila ay naging kaisa Niya; sa gayon, sila ay nagsasalita nang magkasama. Ang Kanyang salita ay nagiging ang kanilang salita, at anuman ang kanilang bigkasin ay pawang Kanyang salita. Sa gayon, ang utos ng apostol ay ang utos ng Panginoon (b. 10). Kung ano ang kanyang sabihin, bagama’t hindi Panginoon ang nagsasabi, ay nagiging bahagi pa rin ng dibinong pahayag sa Bagong Tipan (b. 12). Ang kanyang pakikipagkaisa sa Panginoon ay ganap na ganap na humahantong sa kalagayan na kahit na nagbibigay siya ng kanyang sariling kuru-kuro, na hindi utos ng Panginoon (b. 25), iniisip pa rin niya na siya rin naman ay may Espiritu ng Diyos. Hindi niya inaangkin nang tiyakan ang pagkakaroon ng Espiritu ng Diyos, kundi kanyang iniisip na siya rin naman ay may Espiritu ng Diyos. Ito ang pinakamataas na pagiging espirituwal, ito ay batay sa prinsipyo ng pagiging-laman-ng-Salita.