1 Corinto
KAPITULO 6
IV. Tinutuos ang ukol sa Kasong
Namamagitan sa mga Mananampalataya
6:1-11
A. Ang Paghatol ng Ekklesia
bb. 1-8
1 Nangangahas ba ang sinuman sa inyo, kung may anumang 1kaso laban sa iba, na siya ay magpahatol sa harapan ng 2mga liko, at hindi sa harapan ng mga banal?
2 O hindi ba ninyo nalalaman na ang mga banal ang 1magsisihatol sa sanlibutan? At kung ang sanlibutan ay hahatulan ninyo, hindi kaya dapat na 2magsihatol kayo sa mga bagay na pinakamaliit?
3 Hindi ba ninyo nalalaman na ating 1hahatulan ang mga anghel? Gaano pa kaya ang mga bagay na nauukol sa buhay na ito?
4 Kung kayo nga ay may mga usapin sa mga bagay na nauukol sa buhay na ito, ilalagay ba ninyo upang magsihatol ang 1mga taong hindi pinahahalagahan sa ekklesia?
5 Sinasabi ko ito upang mangahiya kayo. Ano, diyata’t wala ni isa man sa inyo ang marunong, na makapagpapayo sa kanyang mga kapatid!
6 Kundi ang kapatid ay nakikipaghablahan laban sa kapatid, at ito ay sa harapan ng mga hindi nagsisipanampalataya.
7 Ngayon nga, tunay na isang 1pagkatalo para sa inyo ang kayu-kayo ay magkaroon ng 2mga usapin. Bakit hindi 3bagkus inyong tiisin ang mga kalikuan? Bakit hindi 3bagkus kayo ay 4padaya?
8 Nguni’t kayo rin ang mga nagsisigawa ng kalikuan at nangagdaraya, at ito ay sa mga kapatid ninyo.
B. Ang mga Hindi Karapat-dapat Magmana ng Kaharian ng Diyos
bb. 9-11
9 O hindi ba ninyo nalalaman na ang mga liko ay hindi 1magsisipagmana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya: kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga binabae, ni ang mga mapakiapid sa kapwa lalake o sa kapwa babae,
10 Ni ang mga magnanakaw, ni ang mga sakim, ni ang mga manlalasing, ni ang mga manlalait, ni ang mga mapangamkam ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Diyos.
11 At ganyan ang mga ilan sa inyo noon, nguni’t 1nangahugasan na kayo, nguni’t 1napabanal na kayo, nguni’t 1naaring-matuwid na kayo sa pangalan ng Panginoong Hesu-Kristo, at sa Espiritu ng ating Diyos.
V. Tinutuos ang ukol sa Pagmamalabis sa Kalayaan
6:12-20
A. Ang Pinagbabatayang Prinsipyo
b. 12
12 1Ang lahat ng mga bagay ay 2matuwid sa akin, nguni’t hindi ang lahat ay 3kapaki-pakinabang. Ang lahat ng mga bagay ay 2matuwid sa akin, nguni’t hindi ako 4pasasakop sa kapangyarihan ng alinman.
B. Ang Ating Katawan, para sa Panginoon at para sa Diyos
bb. 13-20
13 Ang 1mga pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa mga pagkain; nguni’t 2kapwa dadalhin sa wala ng Diyos ito at ang mga yaon. Datapuwa’t ang 3katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan.
14 At ibinangon ng Diyos ang Panginoon, at 1ibabangon naman tayo sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan.
15 Hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong mga katawan ay 1mga sangkap ni Kristo? Kukunin ko nga ba ang mga sangkap ni Kristo, at gagawin kong mga sangkap ng isang patutot? Tiyak na hindi!
16 O hindi ba ninyo nalalaman na ang nakikisama sa isang patutot ay kaisang katawan niya? Sapagka’t sinasabi Niya, Ang dalawa ay magiging 1isang laman.
17 Nguni’t ang 1nakaugpong sa Panginoon ay 2kaisang espiritu Niya.
18 Magsitakas kayo sa pakikiapid. Bawa’t 1kasalanang ginagawa ng isang tao ay nasa labas ng katawan, nguni’t ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan.
19 O hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay 1templo ng Espiritu Santo na nasa loob ninyo, na tinanggap ninyo mula sa Diyos, at hindi kayo sa inyong sarili?
20 Sapagka’t kayo ay binili sa isang 1halaga; 2luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Diyos.